Kalungkutan: Masama sa kalusugan, nakamamatay?

LIKAS na bahagi na ng buhay natin ang kalungkutan. Nararamdaman at nararanasan iyan sa bawat aspeto ng buhay ng sino man mula pa lang pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Maraming iba’t ibang dahilan kung bakit nalulungkot ang isang tao pero marami rin namang paraan para ito maibsan, gumaan o mapangibabawan. May mga kalungkutang nalulunasan agad, tumatagal, o patuloy na nananatili sa kalooban ng isang tao kahit kailan habang nabubuhay depende kung paano niya ito hinaharap kung tinatangka man niyang harapin ito.

Pero meron din kasing  mga epekto ang kalungkutang ito sa buhay natin. May mga pagkakataong ang kalungkutan ng isang tao ang dahilan ng kanyang mga ikinikilos, ginagawa, inuugali, negatibong emosyon, reaksyon sa kanyang mga naririnig o nakikita, silakbo ng damdamin, init ng ulo o galit o paggawa ng karahasan. Nasisira ang kanyang relasyon sa pamilya, mga kaibigan, kasamahan sa trabaho o anumang grupo, at sa ibang tao sa pangkalahatan. Hindi sila makausap nang maayos. Ayaw makinig sa payo ng iba.  Isa rin ito sa nagiging dahilan kaya may mga taong malulungkot na mas gugustuhin na lang mapag-isa sa buhay.

Kalimitan ding kakambal ng kalungkutan ang pag-iisa bagaman may ibang mga tao na nananatili o mas masaya at kuntento kahit wala silang kasama sa buhay. May mga tumatandang binata at dalaga na nagsasabing maligaya pa bagaman masasabing  sila lang ang nakakabatid kung totoo talaga ito o hindi.  May mga pagkakataon nga lang na ilang kaso ng ibang tao na natatagpuan na lang patay habang nag-iisa sila sa kanilang tinitirhang lugar.

Matagal na ring kabatiran na nakakasama sa kalusugan ang kalungkutan. Nakakapagdulot ito ng ilang sakit. Sa isang bagong pag-aaral ng isang grupo ng mga scientist sa University of Cambridge UK at Fudan University, China na napaulat kamakailan, isinaad na napakahalaga ng papel ng pakikipag-ugnayan ng isang tao sa lipunan para sa kanyang kapakanan. Dumarami ang mga katibayan na ang pag-iisa at kalungkutan ay kunektado sa masamang kalusugan at maagang kamatayan.  Naging konklusyon sa pag-aaral na ito na ang pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan at pamilya ay nakakatulong para manatiling malusog dahil pinalalakas nito ang ating immune system at nababawasan ang peligro sa sakit sa puso, stroke, at type 2 diabetes.

Nakakapagpaikli ng buhay ang pamumuhay nang mag-isa at hindi gaanong nakikipag-ugnayan sa ibang tao, batay sa analisis sa 90 siyentipikong imbestigasyon sa 2.2. milyong katao sa mundo. Lumabas sa journal na Nature Human Behavior ang resulta ng pag-aaral noong 2023 na nagsasaad na ang kalungkutan ay nagdadagdag nang 14 na porsiyento ng tsansa ng kamatayan ng isang tao. Lumalaki nang 32 porsiyento ang tsansang ito kapag nabubuhay siya nang mag-isa.

Ayon kay Professor Barbara Sahakian ng Department of Psychiatry (University of Cambridge): “Idinidiin sa pag-aaral na ito ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan natin sa ibang mga tao para sa maayos nating kalagayan. Kailangan makahanap ng paraan sa problemang ito at panatilihing kunektado ang mga tao sa kanilang kapwa para manatili silang malusog.”

••••••

Email: rmb2012x@gmail.com

 

Show comments