(Pasintabi sa premyadong manunulat na si Lualhati Bautista, awtor ng nobelang Bata, Bata, paano ka ginawa.)
HINDI naman pormal na katawagan iyong Generation Beta o Gen Beta na ibininyag ng isang Australian research firm sa mga sanggol na isinilang o isisilang ngayong 2025 at sa mga susunod na taon hanggang 2039.
Pinatulan at sinakyan lang ito ng ilang sektor sa mundo pero wala namang opisyal na batas, dekreto, tratado, kautusan, patakaran, o kasunduan ang mga bansa sa buong mundo na nagtatadhana na papangalanang Gen Beta ang susunod na henerasyong ito.
Wala itong ipinagkaiba sa kaso ng ibang mga naunang henerasyon ng mga tao na tinatakan bilang Gen Z o Zoomer (1995-2010), Gen Alpha (2010-2024), Gen X (1965-1980), Millenial (1981-1996), Boomers (1946-1964), Post War (1928-1945) at World War II (1922-1927) batay sa taon ng kanilang kapanganakan.
Karaniwang nagmula sa mga kanluraning bansa ang mga katawagang ito sa mga ganitong henerasyon na may mga kanya-kanyang katangian pero hindi naman ito awtomatikong sinusundan sa ibang mga bansa tulad sa Middle East, Europe o Asia maliban na lang sa mga lugar na malakas ang impluwensiya ng kulturang kanluran. Wala siyang opisyal na katangian para tularan sa buong mundo.
Meron namang bentahe ang pagtatatak sa iba’t ibang henerasyon tulad sa paglalarawan sa mga ito at sinasabing nagagamit sa marketing at akademiya. Hinahayaan na lang sa ating lipunan dahil marahil wala namang masama kahit pa walang opisyal na pagkilala sa mga ito.
Mababasa na nga rin ang mga terminong Millenial, Gen Z, Boomer, at iba pang generation brand sa mga dictionary at encyclopedia (print man o online edition) bagaman wala itong opisyal na pagkilala ng anumang pamahalaan, estado, ahensiya, o institusyon sa mundo.
Sa ating bansa, meron din tayong itinatak sa ilang henerasyon tulad ng mga Pinoy na ipinanganak nang ideklara ang martial law noong 1972 na tinawag na martial law babies o kaya iyong isinilang noong 1986 nang sumiklab ang People Power revolution at tinawag na EDSA babies.
Ibang usapin na kung kinikilala sa ibang bansa o buong mundo ang EDSA babies o martial law babies pero tatak ito na nakintal na sa kamalayang Pilipino.
Pero angkop ba sa Pilipinas ang tatak na Gen Beta na sinasabing maglalakihan sa panahon na lubha nang nagagamit sa araw-araw na pamumuhay ang artificial intelligence at ang automation.
Marami pa ring lugar sa Pilipinas ang walang maayos na kuneksyon sa internet o kung meron man ay napakahina ng signal kahit marami ang may smartphone halimbawa, hindi naman lahat ay regular na nakakapagbukas ng internet.
Sinabi ng sociologist na si Dr. Jayeel Cornelio sa isang ulat ng ABS-CBN na maaaring nababagay ang tatak na Gen Beta sa mga kabataan sa Australia, North America at ibang bahagi ng Western world pero hindi ito naaangkop sa konteksto ng Pilipinas na merong digital inequality.
“Dito nga kuryente yung problema eh. Tama bang tawagin ang ating mga kabataan na nabibilang sa Gen Z o Gen Alpha o Gen Beta gayong, sa katotohanan, ang problema, nakatapos ba sila a pamantasan? Makakatapos ba sila ng pag-aaral? Makakapagtrabaho ba sila pagkatapos?” sabi ni Cornelio.
Sabi naman ng data ethicist na si Dominic Ligot, “Sabihin na nating, kung nasa malaking lunsod ka tulad ng sa Metro Manila o BGC, maaaring kapantay mo ang nasa U.S. kung sa daloy ng impormasyon ang pag-uusapan. Pero, kapag nasa labas ka na ng Metro Manila lalo na kung nasa mga mamalayong liblib na lugar ka na halos walang internet, masasabi mong maraming bayan pa rin ang namumuhay sa panahon ng ‘90s o early 2000.”
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com