“Kapag nakita n’yo uli ang mga lalaking iyon, ipagbigay alam agad sa pulisya. Nasa kanto lang ang police station. Para makareresponde agad kami. Mas maganda kung matutulungan kami ng mga katulad n’yo para madaling madakip ang mga masasama ang loob,’’ sabi ng pulis.
“Palagay po namin ni Mayang ay mga masasamang loob ang dalawang yun, Sir. Napansin din po ni Mayang na may baril sa tagiliran ang isa sa mga lalaki,’’ sabi ng kasamahang tindera na si Mars.
“Sa palagay n’yo, mga bagong mukha ang mga taong yun dito?’’ tanong uli ng pulis.
“Opo Sir,’’ sagot ni Mayang. “Ngayon lang namin nakita ang mga lalaki.’’
Napatangu-tango ang pulis sa sinabi ni Mayang.
“Ilang araw ko na pong nakikita na pabalik-balik ang isa sa mga lalaki. Palagay ko may sinusubaybayan sila rito sa palengke.’’
“Nag-iisa lang ang lalaki nang una mong mapansin?’’
“Opo.”
“Kailan mo nakita na may kasama na siya?’’
“Ngayon lang po.’’
Napatangu-tango uli ang pulis.
“Sige salamat sa inyo. Irereport ko sa station commander ang mga sinabi ninyo para madagdagan ang pulis na nagroronda rito. Basta kung may mapansin kayong kahina-hinala, itawag n’yo agad sa amin, okey mga Mam?’’
“Opo Sir. Mabuti nga po na dagdagan ang pulis dito sa palengke.”
“’Yan po ang gagawin namin. Paalam na po.’’
Nakahinga nang maluwag sina Mayang at Mars.
KINAGABIHAN, dakong alas onse, nagising si Mayang na parang may nagbubukas ng gate. Napabalikwas siya.
May tao yata na gustong pumasok.
(Itutuloy)