Mga awtoridad sa Belgium, nagbabala sa publiko na huwag kainin ang kanilang Christmas tree!

Nagbabala ang Belgium Federal Agency for the Safety of the Food Chain (FASFC) sa kanilang mga residente na huwag ga­wing pagkain ang kanilang mga Christmas tree matapos irekomenda ng lungsod ng Ghent ang paggamit ng mga dahon nito sa mga recipe bilang bahagi ng kanilang recycling tips.

Ayon sa website ng Ghent, karaniwan na raw sa Scandinavia ang paggamit ng mga dahon ng mga conifer tree bilang pampalasa.

Ang proseso ay nagsisimula sa pagkuha ng mga dahon mula sa sanga, pagpapakulo ng mga ito, at pagpatuyo bago gamitin sa paggawa ng mga culinary creations tulad ng “spruce needle butter.”

Ngunit mariing ipinaalala ng FASFC na ang mga Christmas tree ay hindi dapat isama sa pagkain ng tao o hayop.

Ayon sa ahensya, karamihan sa mga Christmas tree na ibinebenta para sa dekorasyon ay ginagamitan ng pesticides at iba pang kemikal na maaaring mapanganib sa kalusugan.

Bukod dito, mahirap matukoy kung ang puno ay ginamitan ng flame retardant chemicals, na maaaring magdulot ng seryosong panganib kung ito ay makakain.

Matapos ang babala, binago ng Ghent ang kanilang post, na pinalitan ang pamagat mula sa “kainin ang inyong Christmas tree” sa “Kinakain ng mga Scandinavian ang kanilang Christmas tree.” Naglagay rin sila ng paalala: “hindi lahat ng Christmas tree ay maa­aring kainin.”

Pinapaalalahanan ng FASFC ang publiko na mag-ingat at iwasan ang eksperimento sa mga materyales na hindi karaniwang kinakain, kahit pa ito’y tila nakakatulong para sa kalikasan.

Show comments