EDITORYAL – Paninindak ng China

HINDI pa natatagalan nang matagpuan ng mga mangingisda sa karagatan ng Masbate ang isang submersible drone na may dalawang metro ang haba. Ayon sa report, pag-aari ng China ang drone base sa nakasaad na pangalan sa katawan nito. Ang drone ay binantayan ng mga mangingisda hanggang kunin ng Philippine Navy sa lugar. Pinuri ng Armed Forces of the Philippines ang mga mangingisda sa pagiging alerto . Nanawagan ang AFP na maging mapagmatyag pa ang mga mangingisda sa mga kahina-hinalang bagay na mamamataan sa karagatan.

Ayon sa report, ang submersible drone ay ­maaaring sumasagap ng mga impormasyon lalo’t may malapit na military camp sa Masbate. Sa isang report maaaring tinangay ang drone sa karagatan ng ­Masbate dahil malapit lang din ito sa West Philippine Sea (WPS). Maari rin daw na ginagamit ang drone para sa pagre-research sa karagatan.

Anuman ang pakay ng drone, ang mahalaga ay nakuha ito at dapat nang saliksikin ng mga awtoridad ang nilalaman nito. Bakasakaling makatulong para mahayag kung ano ang pakay at nasa karagatan ito ng Pilipinas. Malaking tulong kung makukuha ang impormasyong taglay ng submersible drone.

Dalawang araw makaraang matagpuan ang drone sa Masbate, namataan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China Coast Guard 5901 na tinatawag na “monster ship”. Ang vessel umanong ito ang pinakamalaking barko ng China kaya tinawag na “monster ship”. Limang beses umano itong malaki sa mga barko ng PCG. Ayon sa PCG namataan ito 54 nautical miles ang layo sa Capones Island, Zambales. Ipinadala ng PCG sa lugar ang BRP Cabra, isang helicopter, at PCG Caravan.

Kinabukasan, kinumpirma ng PCG na ang ­“monster ship” ay nasa Lubang, Occidental Mindoro na. Ayon kay PCG Spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, hindi naman nangha-harassed ng mga mangingisdang Pilipino ang “monster ship”.

Nakapagtataka ang pagsulpot ng mga ka­katwang bagay sa karagatan ng Pilipinas. Bakit may ­submersible drone na biglang nakita sa karagatan ng Masbate at bakit bigla ring naglayag ang “monster ship”. Hindi kaya naghahanda ang China sa mga gagawin pa nilang pangha-harassed lalo’t umiigting ang tensiyon sa agawan ng teritoryo.

Hindi kaya nagpaplano na sila nang mas mapaminsalang kilos sa mga barko ng Pilipinas. Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang pagbangga, pambobomba ng tubig sa mga barko ng PCG. Ang pagpapakita nila ng “monster ship” ay maaring paraan para ipaalam sa Pilipinas na hindi sila mahinang kalaban at nakahanda sila. Dapat maging handa ang Pilipinas ngayong 2025 sa ikinikilos ng China.

Show comments