GenB, ang bagong henerasyon
SIMULA 2025 hanggang 2039, lahat ng batang isisilang ay mapapabilang sa Generation Beta o GenB, kasunod sila ng Generation Alpha o GenA, ang mga bata naman na isinilang mula 2010 hanggang 2024.
Pagsapit ng 2035, 16 porsyento ng pandaigdigang populasyon ay kakatawanin ng GenB, na ang mga magulang ay may edad ngayon na 31 hanggang 45, ang tinatawag na mga millennials.
Dahil sa epekto ng pandemic, marami sa mga millennials ay may edad na nang mag-asawa, may isa hanggang dalawa lamang anak, at ang iba’y walang anak. Kaya, ang GenB ay may maliit na pamilya, kaunti lamang ang kanilang mga pinsan, tiyuhin at tiyahin.
Ang GenB ay magsisilaki sa isang panahon ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, kung saan ang dating ginagawa ng mga tao’y robot na ang gagawa sa pamamagitan ng artificial intelligence at ang dating harapang mga pag-uusap ay gagawin na lamang na online o virtual.
Mas madalas na mararanasan ng GenB ang pakikipagkaibigan, pag-aaral, at pagtatrabaho sa pamamagitan ng digital interaction, kaysa face to face harapang karanasan.
Haharapin din ng GenB ang hagupit ng climate change at mabilis na urbanisasyon kung saan lalong lalala ang trapiko at pagsisikip sa mga kalunsuran. Masasaksihan pa ng maraming GenB ang 22nd century sa taon 2100.
Kung katalinuhan at kaalaman ang pag-uusapan, tiyak na magiging matalino at maalam ang GenB dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya. Sa pamamagitan ng paggamit ng artificial intelligence, mas madali silang makakakuha ng mga impormasyon at makagagawa ng mga pagsusuri sa mga kumplikadong bagay.
Pero, mas magiging mabuti ba silang tao kaysa mga nakaraang henerasyon? Kung ang pagiging mabuti ay may kinalaman sa pakikipagkapwa-tao, ang sagot ay malamang hindi. Mas madalas ay hindi na sila makikipagharap sa kapwa. Gadget-to-gadget na ang usapan, sa halip na tao-sa-tao.
Mas malamang ay hindi na mararanasan ng mga batang GenB ang makipaglaro sa kapwa bata, kung saan nadedebelop ang mabuting pakikipag-ugnayan sa kapwa. Gadget na ang kalaro kaysa tao.
Siguradong ang mga batang GenB ay magiging matalino, malawak ang kaalaman sa maraming bagay, sapagkat madaling makakuha ng mga impormasyon. Pero ang nakakabahala, baka matalino nga, pero walang puso.
Baka maalam nga, pero walang damdamin. Parang robot na magaling, pero walang kakayahan ng pagkahabag na siyang inaasahan ng Diyos sa mga taong nilikha ayon sa Kanyang larawan.
Ang katiyagaan at kapakumbabaan ay isa sa magandang katangian ng sinumang tao. Pero ito ang tila mawawala sa GenB dahil masasanay sila sa mabilisan bunga ng makabagong teknolohiya. Instant ang lahat.
Wala nang masyadong espasyo para ma-exercise ang tiyaga at paghihintay. Magiging malapit din kaya sila sa Diyos gaya ng nakaraang henerasyon ng mga Pilipino?
Ang mga dating hindi magawa ng tao ay nagagawa na ngayon ng makabagong teknolohiya. Mas matalino na raw ngayon ang mga robot na gawa ng tao kaysa mga taong likha ng Diyos?
Baka akalain ng mga lumalaking GenB na hindi na nila kailangan ang Diyos. Maraming tanong na malalaman natin ang mga sagot sa darating na panahon.
Ngunit sa ngayon, malaki ang magagawa ng mga magulang upang hindi mawala sa GenB ang pusong tumitibok para sa kapwa, ang kapakumbabaan at katiyagaang handang maghintay, at ang pananampalataya sa Diyos.
- Latest