^

Punto Mo

EDITORYAL - Bigas, lalo pang tumaas

Pang-masa
EDITORYAL - Bigas, lalo pang tumaas

ANG presyo ng bigas sa palengke ngayon ay P50 hanggang P65 per kilo. Sa presyong P50, hirap na hirap ang mamamayan lalo ang mga kakarampot ang kita. Paano ang mga kumikita ng P250 bawat araw gaya ng mga jeepney at traysikel drayber? Ang kinikita ngayon ng mga drayber ay P250 hanggang P350. Kung bibili sila ng apat na kilo ng bigas, P200 na iyon. Ano pa ang ibibili ng ulam? At hanggang kailan aabot ang apat na kilong bigas?

Nang ibaba ni President Ferdinand Marcos Jr. ang taripa para sa imported na bigas, ang inaasahan niya ay bababa ang presyo ng bigas. Pero nagkamali siya sapagkat sa halip na bumaba, lalo pang tumaas ang presyo. Sa halip na makakain nang husto ang mga mahihirap, lalo pang nagsalat—kanin lamang ay hindi pa mapunuan ang kumakalam na sikmura.

Noong Lunes, sinabi ni Secretary Francis Tiu Laurel na plano niyang magpatupad ng maximum suggested retail price sa imported na bigas para maiwasan ang profiteering. Ayon kay Tiu Laurel, hindi dapat umabot sa P65 kada kilo ng imported na bigas sa mga palengke. Kapag umabot aniya sa ganito kataas na presyo, maliwanag na ito ay profiteering. Sa lalong madaling panahon aniya ay ipatutupad ang sinasabi niyang MSRP system. Makikipagpulong umano siya sa rice importers at ­retailers para maipatupad ang MSRP.

Kung ang imported na bigas ay hindi dapat umabot sa P65 per kilo, mataas pa rin kung tutuusin ito. Hindi kaya ng mahihirap ang presyong mula P50 hanggang P64. Ang pinaka-ideyal na presyo ng bigas na maaabot ng mahihirap na mamamayan ay P40 per kilo. Ang ganitong presyo ang inaasahan nang ibaba ni Marcos Jr. ang taripa sa imported na bigas. Ang nararapat gawin ng DA, umisip ng paraan para mapababa hanggang P40 per kilo ang bigas. Kung magagawa ito, malaking ginhawa sa mahihirap.

Noong Hunyo 2024, iniisyu ni Marcos Jr. ang Executive Order 62 na nagbababa sa taripa ng imported rice mula 35 percent sa 15 percent. Layunin ng EO na mapababa ang presyo ng bigas pero walang epekto. Isa sa dahilan kaya hindi bumababa ay dahil sa sabwatan ng mga ganid na rice importers at negosyante.

Maaring patuloy pa rin ang sabwatan ng mga ganid kaya patuloy sa pagmahal ang presyo ng bigas. Ang sabwatang ito ang dapat wasakin ng DA ganundin ang hindi maawat na smuggling ng agri products. Malaking hamon sa kalihim ng DA ang pagmahal ng bigas. Sikapin sana ng DA na ngayong 2025 ay maibaba ang presyo ng bigas para mabawasan ang pasanin ng mahihirap. Gawin sana ito at hindi pawang pangako ang namumutawi sa bibig.

BIGAS

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with