Mayang (99)

LAGING tumatawag si Jeff kay Mayang. Mula nang dumating ito sa New Zealand ay halos araw-araw silang nag-uusap sa phone o sa messenger. Kinakausap din ni Jeff ang anak na si Jeffmari. Umiyak pa si Jeffmari habang nagvi-video call sila. Ngumunguyngoy si Jeffmari habang kinakausap ang ama. Umuwi na raw agad ang ama para ito ang maghahatid sa school araw-araw.

Pero dahil sa madalas na video call, napagpaliwanagan ni Jeff na may inaayos pa siyang mga papeles para sa pagtatapos ng kontrata niya. Pagnatapos ang pagsa-submit ng papeles, uuwi na siya at hindi na aalis pa. Tumigil sa pagnguyngoy si Jeffmari dahil sa kanyang paliwanag.

Kuwento ni Mayang kay Jeff, maski sa pagtulog ay napa­panaginipan ni Jeffmari ang pag-alis niya. Talagang masama ang loob sa pag-alis ng ama.

“Kaya ayusin mo na agad ang mga papeles Jeff para makauwi ka na.’’

“Oo, Mayang. Ginagawa ko na.’’

“Talagang mahirap kapag nag-iisa ako. Kasi paglabas ni Jeffmari sa school ng alas dose ng tanghali, sa tindahan ko ng damit siya dumideretso sa halip na sa bahay. Nakakaawa naman dahil mainit dito sa palengke. Hindi ko naman maisasara ang tindahan dahil nanghihinayang ako sa kikitain. Malakas pa naman ang benta ngayon ng mga damit.’’

“Naaawa nga ako sa’yo Mayang—pagod ka na sa pag-aasikaso kay Jeffmari, pagod ka pa rin sa pagtiinda. Kaya talagang inaasikaso ko ang pagre-resign sa kompanya. Ang makakatagal lang daw sa pag-alis ko ay walang makakapalit. Pero kahit wala akong kapalit, aalis talaga ako.’’

“Sana may makapalit ka para naman maganda ang pag-alis mo.’’

“Yan pa rin ang pinagdarasal ko, Mayang.”

“Sige lagi kang mag-ingat d’yan.’’

“Kayong mag-ina mag-ingat din lagi. Habang nasa tindahan ka Mayang ay maging mapagmatyag ka sa mga tao. Maraming masasamang tao ngayon.’’

“Oo Jeff.’’

ISANG araw na nasa kanyang tindahan si Mayang, isang lalaki ang napansin niyang pabalik-balik—lalabas-papasok sa palengke.

Naghihinala siya sa lalaki. (Itutuloy)

Show comments