EDITORYAL - Tutukan ng DepEd kalidad ng edukasyon

Napag-iiwanan ang mga estudyanteng Pilipino ng mga kapwa esudyante sa Asia. Nakita ang pagkakulelat ng mga estudyanteng Pinoy sa ­larangan ng Science, Math at Reading Comprehension. Nakadidismaya na may mga batang edad walo ang hindi marunong sumulat at bumasa. Dumami ang mga batang “no read-no write” noong panahon ng pandemya kung saan, naka-online ang sistema ng pagtuturo. Dahil maraming mahihirap na Pilipino ang walang computer, lalong nalubog sa kamangmangan ang mga batang Pinoy.

Sa isang report, nakadidismaya na maraming junior high school students ang hindi nakaabot sa required proficiency levels. Kalahati sa junior high school students ay bagsak. Ayon din sa report, kalahati ng Grade 6, 10 at 12 students ay bumabagsak.

Lalong nakadidismaya ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan ang mga Pilipino students ay nakakuha lamang ng 355 points sa math, 356 sa science at 347 sa reading. Para makapasa, kailangang ang score ay: 472 sa math; 485 sa science at 476 sa reading. Masyadong mababa ang nakuha ng mga Pilipinong estudyante kumpara sa mga estudyante ng Singapore, Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, at Chinese Taipei na mataas ang nakuhang puntos.

Sa isa pang report, bagsak din ang Pinoy students sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA noong 2022. Ikalawa sa kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 64 na bansang sumailalim sa PISA assessment.

Nakababahala ang ganitong ipinakikitang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino hindi lamang sa English, Math at Science kundi pati na rin sa Kasaysayan. Imagine, may mga estudyante sa senior high school na hindi alam ang mga bayaning Pilipino gaya ni Tandang Sora. Ang alam lang nila ay isang lugar sa Quezon City ang Tandang Sora.

Noong nakaraang Agosto 2024, isinulong ni DepEd  Secretary Sonny Angara na magsagawa ang mga eskuwelahan ng examinations na katulad ng PISA. Ayon kay Angara ay upang masubukan ang kaalaman ng mga estudyante sa problem solving at reading comprehension. Ayon kay Angara sa pamamagitan ng examinations, mahahasa ang talino ng mga bata at maaari itong iaplay sa totoong sitwasyon ng buhay.

Ipinangako naman ni Angara na ngayong 2025, tututukan ng kanyang tanggapan na mapaghusay ang kalidad ng edukasyon. Kahit daw tinapyasan ang budget ng DepEd ngayong taon, isusulong niya ang reporma at pagpapaunlad sa edukasyon ng mga kabataan.

Malaking hamon kay Angara ang pag-aangat sa kalidad ng edukasyon na nakaligtaan ng dating DepEd Secretary. Sana, maisaayos ito ni Angara.

Show comments