EDITORYAL -Nasaan na si Royina Garma?
BIGLANG naglaho si dating police colonel at PCSO General Manager Royina Garma matapos palayain ng House quad committee noong Nobyembre. Nagtungo umano ito sa United States noong Nobyembre 8, 2024 sa kabila na kanselado ang visa. Pinigil umano ng U.S authorities sa San Francisco Airport. Mula noon, wala nang narinig kay Garma.
Sabi ng Department of Justice (DOJ), pababalikin sa bansa si Garma. Pero hanggang ngayon, wala nang balita sa dating police colonel at PCSO general manager na isinasangkot sa krimeng pagpatay sa isang PCSO executive. Maski ang quad committee na humalukay sa mga kinasasangkutan ni Garma ay walang maibigay na balita kung nasaan si Garma. Ibig bang sabihin, nawalan ng saysay ang pag-iimbestiga nila kay Garma? Naging maigting ang pag-iimbestiga ng quad committee noong Oktubre at na-contempt pa si Garma. Ikinulong ito sa House of Representatives dahil sa pagsisinungaling.
Itinuro si Garma ng isang police officer na “utak” sa pagpatay kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong 2021. Bukod kay Garma, isinasangkot din si dating police colonel at NAPOLCOM Director Edilberto Leonardo. Sa testimonya ni police Lt. Col Santie Mendoza, inutusan umano siya ni Leonardo na patayin si Barayuga sa utos ni Garma. Ipinapapatay umano si Barayuga dahil sangkot ito sa illegal drugs. Hindi umano matanggihan ni Mendoza si Leonardo dahil upper classmen niya ito sa Philippine National Police Academy. Binigyan umano siya ni Leonardo ng P300,000.
Ipinasa umano niya ang lahat ng impormasyon sa asset na si Nelson Mariano at ito naman ang komontak sa gunman na si “Loloy”. Isinagawa ang pag-ambush kay Barayuga noong Hulyo 30, 2020. Mariin namang pinabulaanan nina Leonardo at Garma ang akusasyon ni Mendoza. Bukod sa pagpatay kay Barayuga, inaakusahan din sina Garma at Leonardo sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na nakakulong sa Davao Penal Colony.
Nasaan na si Garma? May ginagawa ba ang PNP para masampahan ng kaso ang dating police colonel? Kung nasampahan ng kaso, hindi sana nakaalis ng bansa si Garma at nalitis sa inaakusa sa kanya. Matagal nang humihingi ng hustisya ang mga mahal sa buhay ni Barayuga at maglalaho na yata ang pag-asa nila dahil sa “pagtakas” ni Garma.
Kumilos sana ang PNP ukol sa kasong ito. Nararapat ding umaksiyon ang National Bureau of Investigation (NBI) para mapanagot ang maysala at maisilbi ang katarungan na matagal nang inaasam.
- Latest