‘Google’, bunga ng isang pagkakamali? (Part 1)
“I-GOOGLE mo!” ang karaniwan nang isinasagot ng ilang mga Pinoy kapag may nagtatanong o naghahanap ng kailangang impormasyon at pinatutungkulan dito ay ang kilalang search engine sa internet na tinatawag na Google.
Meron namang nagkalat na ibang mga search engine pero nangingibabaw ang Google bagaman kuwestyon din ang ranggo nito sa kasalukuyan dahil sa pagsulpot ng mga chatbot.
Parang sa unang tingin ay maipagkakamali ito sa Goggles na tawag sa isang kagamitang proteksiyon sa mata lalo na iyong sa paglangoy sa tubig pero ang Google ay isang salitang umusbong noong dekada 90 kasabay ng paglitaw ng search engine na ganito ang pangalan.
Ang Google ay kumpanyang itinatag noong Setyembre 4, 1998 ng American computer scientists na sina Larry Page at Sergey Brin na kapwa PhD Students pa lang ng Stanford University sa California sa United States nang panahong iyon.
Lumaki ito bilang technology company na nakatutok sa online advertising search engine technology, cloud computing, computer software, quantum computing, e-commerce, consumer electronics at artificial intelligence.
Bagaman naging matagumpay sa larangan ng teknolohiya ang kumpanya ng Google, sinasabing ang pangalan nito ay bunga ng isang pagkakamali na hindi naman sinasadya.
Meron ngang mga kumukuwestyon kung ang Google ay abbreviation ng mga salita.
May nag-aakala na ang ibig sabihin nito ay “Global Organization of Oriental Group Language of Earth.”
(Itutuloy)
- Latest