Japanese company, gumagamit ng popcorn bilang alternatibong packaging filler!
ISANG kompanya sa Japan ang nagpakilala ng malikhaing ideya ng paggamit ng popcorn bilang alternatibo sa mga tradisyonal na packaging materials tulad ng bubblewrap, styrofoam at karton.
Sa Kochi City, nakilala ang Azechi Foods, isang tagagawa ng popcorn at wholesaler ng sitsirya, dahil sa kakaibang paraan nito ng paggamit ng popcorn hindi lamang bilang pagkain kundi bilang pamprotekta sa mga package.
Ang ideyang ito ay isinulong ng manager ng kompanya na si Shihoko Wada matapos makakuha ng inspirasyon mula sa isang seminar kung saan isang laptop repair technician ang gumamit ng sitsirya bilang packaging filler.
Ayon kay Wada, ang paggamit ng popcorn bilang pampuno ay hindi lamang nagdaragdag ng kasiyahan sa mga customer kundi tumutulong din na mabawasan ang basura.
“Matapos magamit bilang pampuno, maaaring kainin ang popcorn kaya hindi ito nauuwi sa basurahan,” paliwanag niya. Nakita rin niya ang potensyal nito upang mapalakas ang imahe ng kanilang kompanya.
Ang popcorn ay inilalagay sa mga malinaw na plastic bag na may nakalagay na mensaheng “not edible,” ngunit ang salitang “not” ay may guhit na nagpapahiwatig na maaaring kainin ito.
Ang kakaibang ideya na ito ay agad na nag-viral sa social media ng Japan, na nagdulot ng mas mataas na demand mula sa iba’t ibang negosyo tulad ng tindahan ng mga video games, wineseller, at iba pa.
Bagamat mas mahal ang popcorn kaysa sa tradisyonal na packaging fillers, nananatili itong kapaki-pakinabang dahil wala itong basura at maaari pa itong kainin.
Sa kasalukuyan, nag-aalok ang Azechi Foods ng dalawang size ng packaging – 40 grams at 13 grams – at plano nilang palawakin pa ang kanilang produkto upang mas lalong mapasaya ang mga customer.
- Latest