EDITORYAL - Ready ba ang mamamayan sa pagtama ng “The Big One”?
Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) noong nakaraang linggo na maging handa ang mamamayan sakaling gumalaw ang Manila Trench na posibleng magdulot ng magnitude 8.4 na lindol. Ayon sa Phivolcs, walang makapagsasabi kung kailan magaganap ang paggalaw ng Manila Trench kaya nararapat na maging preparado ang lahat.
Sabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol, kapag tumama ang magnitude 8.4 na lindol, posibleng magdulot ito ng tsunami na 10 metro ang taas sa ilang lugar. Dahil dito, ang paghahanda ng mamamayan ay nararapat.
Noong nakaraang taon, sinabi rin ni Bacolcol na kapag tumama ang “The Big One” sa Metro Manila, posibleng mamatay ang 34,000 katao at 114,000 ang malubhang masusugatan. Ayon pa sa kanya, ang West Valley Fault ay may kakayahang mag-generate ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude. Pinag-aralan na umano ito noon pang 2004 at ang pag-aaral ay nakasaad sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Halos ganito rin ang sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum. Ayon kay Solidum, kapag tumama ang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila, 10 hanggang 13 percent ng mga istruktura ay mawawasak. Hindi umano kasama sa mga mawawasak ang high-rise buildings dahil bago ang mga ito.
Sinabi rin ni Solidum na 46,000 ang mamamatay at 156,000 ang masusugatan kapag tumama ang “The Big One”. Nagpaalala si Solidum na dapat palawakin ang paghahanda hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsiya. Ang lagi umano nilang mino-monitor ay ang West Valley fault na huling gumalaw 400 taon ang nakalilipas.
Paghahanda ang kailangan ng mamamayan. Pero ang tanong, may nakahanda na rin bang plano ang pamahalaan kung tumama ang “The Big One”? Mayroon na bang plano kung mag-e-evacuate ang mga tao kapag gumalaw na ang paligid? May mga eksperto na bang magga-guide sa mga tao kung saan pupunta o magdaraan kapag tumama ang lindol?
May iminungkahi ang Senado na dapat magkaroon ng contingency plan sa Metro Manila at buong bansa. Pero ngayon, hindi na ito pinag-uusapan sa Senado at maging sa House of Representative. Sa ibang bagay na lang sila nakatutok. Dapat mayroong contingency plan sa pagtama nang malakas na lindol.
Marami nang mapaminsalang lindol ang tumama sa bansa gaya ng nangyari noong July 1990. Magdaos ng regular earthquake drill upang maihanda ang lahat. Ituro ang duct, cover and hold. Huwag mag-panic sapagkat ito ang nakamamatay.
- Latest