Dear Attorney,
Tanong lang po: seasonal worker po ang asawa ko pero magmula nang na-hire at hanggang ngayong naka-two years na siya sa work niya ay wala pa siyang nakukuhang 13th month pay. Ang dahilan daw po ay nakalagay sa contract niya na wala siyang makukuhang 13th month pay. Legal po ba kapag ganoon? —Esther
Dear Esther,
Ang pagbabayad ng 13th month pay ay isang obligasyon para sa mga employer na itinakda ng batas kaya walang bisa ang mga probisyon ng isang employment contract na salungat dito.
Sakop din ng batas ukol sa 13th month pay ang mga seasonal na empleyado katulad ng asawa mo na nakapagtrabaho na ng higit sa isang buwan sa ilalim ng kanilang kasalukuyang employer.
Kaya hindi legal ang binabanggit mong probisyon sa kontrata ng asawa mo kung saan nakasaad na wala siyang makukuhang 13th month pay. Iba ang 13th month pay sa Christmas bonus kaya kailangan itong bayaran ng employer sa gusto man niya o sa hindi.
Kung hanggang ngayon ay wala pa ring 13th month pay na natatanggap ang iyong asawa ay mabuting lumapit na kayo sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE o NLRC upang maghain kayo ng hinaing dahil dapat ay naibigay na ang 13th month pay pagsapit ng December 24.
Isama n’yo na rin sa reklamo ang iba pang mga taon kung kailan walang natanggap na 13th month pay ang iyong asawa.