KAMAKALAWA isang 13-anyos na dalagita ang naputulan ng daliri nang masabugan ng five star ang kaliwang kamay. Hindi naihagis ng bata ang paputok at sa palad niya ito sumabog. Kailangang putulin ang daliri ng dalagita dahil lumabas na ang buto.
Ayon sa Deparment of Health, 125 na ang nasugatan sa paputok at limang tao na ang naputulan ng daliri. Sabi ng DOH, nakagugulat ang pagtaas ng bilang ng mga napuputukan at nasusugatan dahil sa firecrackers habang papalapit ang Bagong Taon. Mas mataas ang bilang ng mga napuputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong petsa.
Ni-report ng DOH na ang mga nasusugatan ay may edad 19 pababa. Kabilang sa mga nasugatan ay 114 na lalaki at labing-isa ang babae. Ang mga nasugatan ay gumamit ng Boga, 5-Star at Piccolo. Sa mga nabanggit na paputok, ang Boga ang pinakadelikado sapagkat sumasabog o nagba-backfire ito kaya posibleng mapinsala ang mukha ng taong gumagamit. Ang nakababahala pa, marami ang gumagawa ng Boga dahil may tutorial online. Madali lang gawin, dahil nga nasa internet at kahit na menor-de-edad ay kaya itong gawin.
Nakapagtataka naman na lantaran ang pagpapaputok ng Boga sa maraming lugar pero hindi ito masawata ng mga awtoridad. Sabi ng Philippine National Police (PNP) puspusan ang gagawin nilang pagbabantay para makumpiska ang mga ipinagbabawal na paputok. Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang Judas belt, Higad, Plapla, Goodbye Philippines, Piccolo, Bawang, Atomic Bomb, Super Lolo, Pillbox at Super Yolanda.
Sinabi rin ng PNP na binabantayan din nila ang bentahan ng paputok on-line. Mas mabilis daw ang transaksiyon online at naidedeliber agad ang order na paputok. Ginagawa raw nila ang lahat nang paraan para matukoy ang mga nagdedeliber online at sasampahan ng kaso.
Mga menor-de-edad ang karaniwang nasusugatan at napuputukan. Ang mga nakadidisgrasyang paputok ay hindi dumaan sa quality control at ginawa lamang sa tabi-tabi o kung saan-saan lang.
Sa nangyayaring ito na pawang mga menor-de-edad ang biktima, nararapat bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ayon sa report, ang Piccolo ay mabilis lang mabili sa mga tindahan. Dapat ang mga tindahan na nagbebenta ng Piccolo ang salakayin ng mga pulis.
Bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang hindi madisgrasya sa paputok. Babae man o lalaking anak, huwag hayaang makahawak ng anumang paputok sapagkat delikado. Huwag hayaang ang pagdiriwang ng Bagong Taon 2025 ay mahaluan ng lungkot dahil sa trahedya.