NAGING malamlam ang selebrasyon ng kapaskuhan sa mga lugar na dinaanan ng masidhing pag-ulan. Naging malungkot ang Pasko sa mga bata na tradisyonal na nangangaroling sa bahay-bahay at namamasko sa kanilang mga ninong at ninang.
Nanatili namang mainit pa rin ang barubalan ng mga political social media vloggers nang magkakalabang kampo na hindi man lamang binigyan ng puwang ang kapayapaan sa araw ng Pasko. Baka naman hindi sila Kristiyano?
Mainit na tinalakay ang mga nagsulputang senatorial survey results na ikinatuwa ng supporters ng mga kandidatong datihang walang bilang sa Magic 12. Napapagpag naman ang ilang administration candidates na dati’y kampante sa kinalalagyan. Tila sa mga kongresista at local candidates lamang umaayon ang epekto ng AKAP at TUPAD at hindi sa incumbent senators. Bakit kaya?
Naging rekado na rin sa pambabarubal ng vloggers ang kinapapaloobang sekta ng relihiyong kinabibilangan nina senatorial candidates Apollo Quiboloy at Rodante Marcoleta. Hindi po religious war ang eleksiyon. Ano ba kayo?
Nakapanlulumo na nang magsimula ang hidwaan sa pagitan ng kampo ng Marcos at Duterte ay naging agresibo na ang espiritu ng kawalang pitagan sa kapwa at kinaligtaan na ang magagandang tradisyong Kristiyano na nakamulatan nating mga Pilipino. Mas masamang doktrina na ang ganyan!
Lalo pang sisigla ang daloy ng bastusan, panlilinlang, kasinungalingan at pagbaha ng pera sa Enero sa tuluyang pagbubuo ng mga makinarya ng pulitika nang magkakalabang kampo. Lamang siyempre ang mga nakaposisyon dahil magagamit nila ang resources ng gobyerno.
Kung anuman ang maging resulta sa 2025 election, hindi naman mangangahulugan na ang ikakandidato ng Marcos administration ang makakalamang tungo sa 2028 presidential election. Naging kalakaran na nagiging pabigat sa kandidato ng administrasyon ang isyu ng korapsyon na napakainam na propaganda.
Imbes na Breath of Hope ay Kiss of Death po ang nalalasap ng kandidato ng administration party. Ganyan ang nangyari sa endorsement ng partido nina Cory, FVR, GMA at Noynoy Aquino. Wise lang si Digong na nagsulong ng UniTeam kaya lumusot. He-he-he!