‘Parol’ (Part 6)
“ALAM kong matalino ka Carlos at maiintindihan mo ang ikukuwento ko. Iyon ang dahilan kaya hindi mo ako nakita sa loob nang maraming taon,’’ sabi ni Lolo Fernando habang nakaakbay sa akin. Itinigil niya ang pagkayas sa kawayan na gagawin naming parol. Noon ay kalagitnaan ng Nobyembre at inihahanda namin ang mga materyales sa sasalihan kong “Parol-making contest”.
“Nabilanggo ako Carlos. Sa kulungan sa Palawan ako nakulong. Nakapatay ako. Isang lalaki na nagtangkang gumahasa sa iyong lola ang aking napatay. Gabi noon at naglalakad kami ng iyong lola. Galing kami sa isang handaan sa kabilang baryo. Masaya kaming nag-uusap habang naglalakad.
Nang bigla ay isang lalaki ang biglang sumulpot sa aming dinaraanan. May hawak na patalim ang lalaki. Talagang planado ang gagawin niya. Inundayan ako ng saksak. Nadaplisan ako sa tiyan. Natumba ako at tumama ang ulo sa tuod ng kahoy. Nawalan ako ng malay.
“Sinamantala ng lalaki ang pagkawala ko ng malay at tinangkang pagsamantalahan ang aking asawa—ang iyong lola. Nahubaran na ito.
“Hanggang sa nagbalik ang aking malay at nakita kong nakakubabaw ang hayop na lalaki sa aking asawa. Isang kaputol na kahoy ang aking nadampot at pinalo sa ulo ang lalaki!” (Itutuloy)
- Latest