Mayang (87)

“SINADYA ko na huwag tayo sa palengke magkita. Sinabi sa akin ni Mam Araceli na parating ka ng araw na iyon kaya hindi ako nagtinda. Gusto ko hanapin mo itong bahay ko.’’

“Anong tinitinda mo?”

“Damit.”

“Matagal ka nang nagtitinda?’’

“Oo. Sa pamamagitan ng pagtitinda, nabubuhay kami nang maayos ni Jeffmari. Nakabili pa ako ng bahay at lupa.’’

“Itong bahay at lupa na ito?’’

“Oo. Mga dalawang taon ko na itong nabibili. Maayos ka­ming namumuhay rito ng anak mo. Naisip ko kasi, kailangang may sarili kaming tirahan ni Jeffmari. Mahirap kung lalaki siya na wala kaming sariling tahanan. Siyanga pala nag-aaral na siya—nasa Grade 1 na siya. At alam mo, matalino siya.’’

“Mana siguro sa akin, ha-ha-ha!’’

Umirap si Mayang.

“Mukha mo lang ang namana niya pero ang talino e sa akin, ha-ha-ha!’’

Lumapit si Jeffmari sa ama at ina nang mapansin na nagtatawanan ang mga ito.

“Mommy ba’t kayo nagtatawanan ni Daddy?’’ tanong nito.

“Masaya kami dahil nagkasama-sama na tayo.’’

“Oo nga Jeffmari, mula ngayon, tatlo na tayo sa bahay na ito,’’ sabi ni Jeff.

“Puwede mo na akong samahan sa school Daddy?”

“Oo, ihahatid kita araw-araw.’’

“Gaya nung ginagawa ng mga daddy ng classmate ko—araw-araw, hinahatid sila at sinusundo.’’

“Simula bukas ihahatid na kita sa school.’’

“Hindi puwede Daddy.’’

“Bakit?”

“Sunday po bukas, wala kaming pasok.’’

“Ay oo nga pala, nalimutan ko! E di pasyal na lang tayo bukas. Kakain tayo sa labas—tayong tatlo.’’

“Yes Daddy. Gusto ko mamasyal tayo! Hindi nga kami lagi namamasyal ni Mommy eh.’’

“Bukas ipapasyal kita hanggang gusto mo. Kahit saan mo gusto.’’

“Ang saya-saya ko Daddy! Ang saya-saya ko!’’

Gustong maluha ni Jeff sa sinabi ng anak. Nang tingnan niya si Mayang, umiiyak na pala ito.

(Itutuloy)

Show comments