Mayang (83)

“Marami akong naipong pera sa pitong taon na inilagi sa New Zealand. Hindi ako bumili ng mga bagay o kagamitan sapagkat ang nasa isip ko ay makapag-ipon nang marami para sa ating kinabukasan,” pagpapatuloy ni Jeff at nakatingin sa kanya na walang kakurap-kurap si Mayang. Tila unti-unting nadudurog ang tumigas na puso.

“Lahat nang perang suweldo ko ay maingat na nakatago. Bumabawas lamang ako ng pambili ng pansariling gamit—sabon, toothpaste, at iba pa. Dahil libre ang pagkain at tirahan namin sa New Zealand, nakapag-ipon ako nang todo at lalo pang nadagdagan dahil sa overtime ko sa araw-araw.

“Dahil naisip ko na kailangan natin balang araw ang tirahan sa Metro Manila, bumili ako ng isang unit ng condo sa Maynila. Maganda ang condo sapagkat sa compound nito ay naroon na ang supermarket, banko at malapit din sa train station.’’

“Nang dumating ako galing New Zealand ay doon na ako nagtuloy mula sa airport. At alam mo, Mayang, habang nag-iisa ako sa condo ay naidasal ko na sana ay kasama kita roon. Tayong dalawa ang nakatira sa condo at masayang-masaya.

“Kaya ang ginawa ko, ilang araw makaraang dumating mula New Zealand ay hinanap na kita. Nagtungo ako sa lupang ari ninyo sa Socorro, pero wala ka na roon.

“Hinanap ko ang titser mo na si Mam Araceli at siya ang nagsabi sa akin na narito ka raw sa Pinamalayan. Dito raw kita makikita.

“Hinanap kita sa palengke subalit wala ka. Hanggang makita ko si Lolo Nado at siya ang nagsabi ng tirahan mo. Tuwang-tuwa ako, Mayang. Ako ang pinakamasayang lalaki sa mundo.”

Magsasalita pa sana si Jeff pero may batang lalaki—edad 7 na lumabas sa kuwarto. Guwapo at cute ang bata.

“Sino siya Mayang?” titig na titig si Jeff sa bata.

(Itutuloy)

Show comments