Mayang (80)

ILANG beses pang diniinan ng daliri ni Jeff ang doorbell.

Hanggang may maramdaman siyang yabag  na papalapit sa gate. Hindi niya makita kung sino ang papalapit sapagkat mataas ang gate.

Hindi na kinakabahan si Jeff. Nilabanan niya ang takot. Inisip niyang magiging maganda ang resulta ng lahat. Magkakaayos na sila ni Mayang.

Hanggang sa marinig niya ang pagbubukas ng gate. Lumikha ng ingay ang pagbubukas.

Nang tuluyang mabuksan, nakita niya si Mayang. Nakatingin ito sa kanya. Walang kurap.

“Mayang!’’

Walang reaksiyon si Mayang.

“Mayang, patawarin mo ako!’’

Pero wala pa ring kakilus-kilos si Mayang. Nakatingin lang kay Jeff.

Pero nagpatuloy si Jeff sa paghingi ng tawad.

“Malaki ang pagkakamali ko pero napagsisihan ko na iyon. Patawarin mo ako. Magsimula muli tayo. Gagampanan ko na ang pagiging asawa. Paglilingkuran kita!”

Nagbuntunghininga si Mayang.

“Mula nang magkahiwalay tayo, ikaw lamang at wala nang iba pa ang nasa isip ko. Walang ibang babae sa buhay ko. Ikaw ang tanging nasa isip ko.’’

Nag-isip si Mayang.

Nagbuntunghininga muli.

“Patawarin mo na ako. Magsimula muli tayo. Matagal kitang hinanap.”

Sa sinabing iyon ay tila lumambot si Mayang.

Para bang nabasag ang tigas ng kalooban.

Ibinukas nang malaki ang gate.

“Halika!’’ sabi nito.

Hindi makapaniwala si Jeff.

Pinapapasok na siya ni Mayang. Ibig sabihin, pinatatawad na siya! (Itutuloy)

Show comments