88-anyos na runner, naging inspirasyon ng mga gustong lumahok sa athens marathon
PINATUNAYAN ng 88-taong gulang na si Ploutarchos Pourliakas na ang edad ay hindi hadlang sa determinasyon matapos niyang makumpleto ang Athens Marathon ngayong taon, ang kanyang ika-12 pagsali sa prestihiyosong marathon.
Ang Athens Marathon, na tinuturing na “The Authentic,” ay ginaganap taun-taon sa parehong ruta na tinakbo umano ng messenger na si Phiedippides, 2,500 taon na ang nakalipas.
Ngayon, ang ruta mula sa Tomb of Marathon patungo sa Panathenaic Stadium ay isang simbolo ng tibay at dedikasyon para sa marathoners sa buong mundo.
Sa kabila ng kanyang edad, pinabilis pa ni Pourliakas ang kanyang oras ngayong taon, natapos niya ang 42.195 kilometers sa loob ng 5 oras at 31 minuto, mas mabilis ng 18 minuto kumpara sa kanyang record noong nakaraang taon.
Ayon kay Pourliakas, nagsimula siyang lumahok sa mga marathon noong siya ay 73-anyos. Sinubukan niyang sumali sa isang marathon dahil inspirasyon niya ang kanyang anak na isang ultra-marathon runner.
Araw-araw, tumatakbo si Pourliakas ng apat hanggang limang kilometro at umaabot ng 20 kilometro tuwing weekend bilang bahagi ng kanyang regular training. Para sa kanya, ang balanse sa pamumuhay ang susi sa kanyang lakas at tagumpay.
Sa kabila ng hamon ng paglipas ng panahon, patuloy na nagpapatunay si Pourliakas na ang edad ay hindi limitasyon sa pagkamit ng mga pangarap. Ang kanyang kuwento ay nag-iiwan ng mensahe ng pag-asa at tibay para sa bawat isa na nangangarap sumali sa marathon, anuman ang kanilang edad.
Ang 88-anyos na si Ploutarchos Pourliakas na natapos ang 42.195 kilometrong marathon sa loob ng limang oras.
- Latest