EDITORYAL - Bantayang todo ang underground POGOs

KAHAPON, Disyembre 15, ang huling araw na itinakda sa lahat nang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Kasama na riyan ang mga illegal na sinasabing nagbuo ng bago at nagpalit ng pangalan at nagkakanlong sa mga resort at restaurant. Pagsapit ng Disyembre 31, walis na lahat ang salot na POGO sa bansa. Pagpasok ng 2025, malinis na sa POGO ang bansa. Ang sinumang mapapatunayang nagkakanlong sa mga POGO sa tinakdang deadline ay uusigin ng batas.

Unang sinabi ni President Marcos Jr. ang pagpapatigil sa POGO sa kanyang ikatlong SONA noong Hulyo. Sabi niya, panahon na para itigil ang panggugulo at paglapastangan ng POGO sa lipunan at bansa. Noong nakaraang buwan, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No. 74 na nagbabawal sa lahat ng POGO. Mahigpit ang kautusan na inaatasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipatupad ito at tiyaking hanggang Disyembre 31, 2024 na lamang ang lahat nang POGO sa bansa.

Nangako naman si DILG Sec. Jonvic Remulla na tutugisin ang mga nasa likod ng pagpapatakbo ng POGO guerilla operations. Ayon pa kay Remulla, sa Enero, maaari na raw ideklara na POGO-free ang bansa.

Sana magkatotoo ang mga pangako na wala na ngang POGO pagpasok ng 2025. Ito ang hinahangad nang marami. Mula nang pumasok sa bansa ang POGO noong 2017 sa panahon ng Duterte administration, dumami ang krimen. Ipinangako noon ni Duterte na makakatulong daw ang POGO sa ekonomiya ng  bansa. Pero malaking pagkakamali sapagkat mga krimen ang naidulot sa bansa.

Ngayong patuloy ang pagtugis sa mga illegal POGOs, maging mapagmatyag sa bagong modus na ginagawa umanong front ang mga resort at restaurant. Target umano ay mga resort at restaurant sa probinsiya.

Isa pang dapat bantayan ay ang mga government officials na tumutulong sa mga illegal POGOs para makapagpatuloy sa kanilang operasyon sa bansa. May mga government official umano na kinakasabwat ng POGO para sa pagpapatuloy ng operasyon. Pinapayuhan umano ng government officials ang POGO na baguhin ang kanilang porma bilang Business Process Outsourcing (BPO).

Tukuyin ang mga hudas na government officials at isakdal. Ikulong sila kasama ng iba pang dayuhan na nagmamantini ng illegal POGO sa bansa. Hindi sila dapat patawarin.

Show comments