PNP at AFP, galit sa katagang ‘cite you in contempt’!
NAGKABALIKTAD na ang takbo ng buhay ng mga Pinoy sa Pinas. Bakit! Dati-rati kasi, itong mga kosa nating maka-“kaliwa”, sobra nga ang ingay subalit kalimitan nagtatago sila sa kabundukan. Sa ngayon super ingay sila, at ang masama niyan andun sila sa Kongreso. Dati-rati hinahabol sila ng mga pulis at sundalo, subalit sa ngayon sa Kamara ang PNP at AFP ang hinahabol nila. Araguyyy!
Sa Kamara, magkasundo na ang dating naghahabulan sa katauhan nina Rep. France Castro, ng Alliance of Concerned Teachers Partylist at Antipolo Rep. Romeo Acop. Si Acop ay dating hepe ng Criminal Investigation Service (CIS), na CIDG na sa ngayon, na ang trabaho kasama ang AFP, ay manghuli ng miyembro ng CPP-NPA at kasuhan at ikulong.
Di ba matapos ma-contempt of court ang isang opisyal sa ilalim ni VP Sara Duterte, lumapit si Castro kay Acop, at nagtawanan sila sabay kamayan? Anyare? Kapag naging resource persons ang mga retired at active na pulis sa Kamara, kapag hindi nagustuhan ang sagot nila abayyy sa kulungan ang bagsak nila. Sanamagan!
Ang latest na biktima ng contempt of court ay si ex-PDEA chief Wilkins Villanueva. Parang “kangaroo court” lang, no mga kosa? Dati itong maka-kaliwa nating mga kapatid ang palaging nagrereklamo dahil ikinukulong sila sa mga masamang bintang sa kanila ah? Naiba na ang kalakaran sa ngayon. Hehehe! Ang buhay talaga, weder-weder lang, no mga kosa?
Kung ang report ng AFP at PNP ang gagawing basehan, illang lugar na lang sa Pinas ang hawak ng mga kapatid natin sa CPP-NPA. Konting tulak na lang, lalo na sa tulong ng ELCAC, abayyy malilipol na sila. Talaga?
Tuloy-tuloy lang naman ang operation ng PNP at AFP laban sa CPP-NPA at katunayan ang lider nilang si alias Marlo ay naaresto ng mga tauhan ni CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre III sa Plaza sa Katawhan sa Cebu Coastal Road, Cebu City noong Disyembre 13. Ayon kay Torre si Marlo ay nahaharap sa kasong double murder.
Kaya lang kapag nagpatuloy ang masigabong pag-iingay nina Castro at iba pa sa Kongreso, baka maka-recruit pa sila sa kanayunan dahil sa akalang lumalakas ang hanay nila. Tsk tsk tsk! Sayang lang ang ibinuwis na buhay ng AFP at PNP pag nagkataon. Hindi pa tapos ang delubyo ng mga sundalo at pulis sa kamay ng mga party-list natin dahil wala pang palatandaan na tapos na ang pagtawag sa kanila sa quad comm, di ba mga kosa?
Sa ngayon, kinamumuhian na ng mga sundalo at pulis ang salitang “contempt of court”. Mismooo! Pero sa totoo lang, kailangan naman natin sina Castro at tropa niya sa Kongreso bilang check and balance sa mga kaganapan doon, di ba mga kosa? Dipugaaa! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sinibak naman ni NCRPO chief Brig. Gen. Anthony Aberin si Makati police chief Col. Joseph Talento dahil sa reklamo ni Castro na may nagpaputok na mga pulis malapit sa kinaroroonan niya sa BGC. Ayon kay Castro maaring kasama ito sa mga denunsiyo niya laban kay Tatay Digong.
Ang galing mag-twist ng balita si Mam Castro, ano mga kosa? Hindi nasibak si Talento sa kasong isinampa ng negosyante na nilimas ang bahay sa Bgy. Urdaneta subalit kay Castro yari siya, di ba mga kosang keyboard warrriors? Kaya naman sinipa ni Aberin si Talento dahil walang report ito tungkol sa kaso, na ipinamahagi ni Castro sa Kongreso. Abangan!
- Latest