^

Punto Mo

Walang panalo sa giyera

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MARIING tinanggihan ni Presidente Bongbong Marcos ang ideya na magpadala na ang Pilipinas ng mga barkong pandigma sa nasasakupan nitong 370-kilometrong exclusive economic zone sa West Philippine Sea. Ang ideya ay nanggaling mismo sa Philippine Coast Guard bilang pangtapat sa estratehiya ng China na paggamit ng mga barkong pandigma upang panindigan ang pag-angkin nito sa halos buong South China Sea, kasama na ang mga teritoryong idiniklara ng Arbitral Court noong 2016 na bahagi ng sobereniya ng Pilipinas.

“Hindi tayo nakikipaggiyera sa China,” ito ang mariing deklarasyon ni Presidente Marcos, ang Commander in Chief ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas, matapos ang insidente ng pambobomba ng tubig ng China Navy sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Bajo de Masinloc na sakop ng sobereniya ng Pilipinas. Mga barko lamang ng PCG ang nagmamatyag at nagbabantay sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Ang China ay gumagamit na ng mga barkong pandigma nito.

May iba pa bang option ang ating Presidente? Maaari ba tayong makipagsabayan sa China sa pagpapakita ng lakas-militar sa West Philippine Sea?  Pwede ba tayong makipaggiyera sa China? Alam natin na ang malungkot na sagot ay wala at hindi. Ang lahat ay idinadaan natin sa diplomasya. Katakut-takot na ang ipinadala nating diplomatic protests sa China na hindi naman nito pinahahalagahan. Nanghahawakan tayo sa arbitral ruling na kumikilala sa sovereign rights ng Pilipinas sa 370-kilometrong exclusive economic zone sa West Philippine Sea na hindi naman kinikilala ng China. Tinututulan ng arbitral ruling ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea na binabalewala naman ng China.

Sa totoo lang, wala tayong kakayahang makipaggiyera sa China kahit na nga tulungan tayo ng US at iba pa nating kaalyado. Higante ang China, tayo’y unano; preparado ang China, tayo’y hindi; mayaman ang China, tayo’y mahirap.

Pero ang isa pang lalong totoo, wala tayong panalo sa giyera, gayundin naman ang China. Walang nananalo sa giyera. Wika ni Pope Francis, “Walang nananalo sa giyera; bawat buhay na mawala sa panahon ng giyera ay kumakatawan sa pagkatalo.” Ganito naman ang sinabi ng dating British Prime Minister Neville Chamberlain, “Walang panalo sa giyera, lahat ay talo.” 

Hindi tayo nakikipaggiyera sa China, ngunit hindi ito nangangahulugan na isinusuko natin ang ating karapatan sa West Philippine Sea. Hindi tayo nakikipag-away sa China,, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi natin ipagtatanggol ang ating sarili sa panahong tayo’y inaaway at dinudungisan ang dangal bilang isang malayang bansa. 

Sa ilalim ng ating Konstitusyon, itinatanggi natin ang giyera bilang instrumento ng pambansang patakaran at nanghahawakan tayo sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, hustisya, kalayaan, pagtutulungan at pagkakasundu-sundo sa pagitan ng mga bansa.

Bawat Cristiano’y dapat tumutol sa giyera. Bawat tagasunod ni Hesus ay dapat maging tagapagtaguyod ng kapayapaan. Ganito ang sinabi ni Hesus sa Mateo 5:9, “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.” Dahil kasama natin ang Diyos, ang pagtatanggol para sa ating karapatan sa mapayapang pamamaraan ay tiyak na magtatagumpay. Sa giyera, lahat ay talo.  Pero sa kapayapaan, lahat ay panalo. Tulungan nawa tayo ng Diyos sa ating paninindigan!

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with