Mayang (75)

MAKALIPAS ang kalahating oras, naka­rating na sa Socorro sina Jeff at Lolo Nado.

Walang pagbabago sa bahay na inuukopa ni Lolo Nado. Ganoon pa rin ang mga gamit sa loob. Siguro’y dahil nag-iisa na sa buhay kaya wala nang interes pang magdagdag ng bagong gamit. Napansin niya ang silyang plastic na dating inupuan niya noon. Yun pa rin ang mga pinggan at baso na nakataob sa may lababo.

“Magluluto na ako ng hapunan natin, Jeff. Para makakain ka nang maayos. May binili akong sariwang maya-maya. Sasabawan ko para ka makahigop ng sabaw. Alam kong pagod ka. Tamang-tama, bagong ani ang bigas na isasaing ko. Nag-ani ako kamakalawa.’’

“Masarap din po ang kinain ko kaninang lunch, Lolo.”

“Saan ka kumain?’’

“Sa karinderya po sa loob ng palengke. Marami po palang karinderya roon at masarap ang luto.’’

“A oo. Marami nga roon.’’

“Teka nga pala Lolo, ba’t ka po nasa bayan ng Pinamalayan?’’

“May pinuntahan akong tao at isinabay ko na rin ang pamamalengke para sa ilang araw na pagkain.’’

“Ah ganun po ba? Sana pala, nadagdagan natin ang pinamili mo para may istak kang pagkain. Para hindi ka nag-aalala.’’

“Mahirap namang mag-istak ng pagkain dahil walang ­refrigerator—baka mabulok lang.’’

“Ah oo nga.’’

“Kaya ang binibili ko e para sa dalawang araw na pagkain lang.’’

Napatango na lang si Jeff.

Nagsimula na sa pagluluto si Lolo. Ginayat na ang mga gulay para sa tinolang maya-maya—repolyo at patatas.

“Bukas ng umaga, aagahan natin patungo sa bayan ng Pinamalayan. Tutulu­ngan kita sa paghahanap kay Mayang.’’

“Salamat Lolo. Gaya po ng nasabi ko sa’yo, gusto ko bago umalis patungong New Zealand ay makita si Mayang at mabuo ang aming naputol na relasyon. Gustung-gusto ko na siyang makita Lolo.’’

“Makikita mo siya, Jeff—pangako ko, makikita mo siya. Matatapos na rin ang matagal mong paghahanap. Tandaan mo ang mga sinabi ko.’’

“Salamat po, Lolo. Naniniwala po ako sa iyo.’’

(Itutuloy)

Show comments