Mayang (74)
HINDI maaaring magkamali si Jeff sa nakitang tao paglabas niya ng palengke.
Si Lolo Nado! Ang matandang caretaker ng bahay at lupa ni Mayang sa bayan ng Socorro. Bakit narito si Lolo Nado?
Mabilis niyang hinabol si Lolo Nado na tila paalis na o uuwi na sa Socorro.
“Lolo Nado! Lolo Nado!’’
Tumigil at lumingon ang matanda.
Kinilala siya ng matanda. Matagal bago nakapagsalita.
“Jeff?’’ sabi nito.
“Ako nga po Lolo Nado.’’
“Ikaw nga! Pasensiya ka na at malabo ang mata ko!’’
“Okey lang po Lolo Nado.”
“E bakit narito ka sa Pinamalayan, Jeff? Akala ko umalis ka na at nagtungo sa abroad.”
“Hindi pa po ako umaalis dahil gusto ko makita muna si Mayang. Hindi po ako matatahimik hangga’t hindi ko nakikita si Mayang, Lolo Nado.’’
“Oo alam ko Jeff.’’
“May nakapagsabi po sa akin na narito raw siya sa Pinamalayan Public Market. May puwesto raw po si Mayang dito. Pero kanina pa po ako naghahanap e hindi ko siya makita. Lahat nang pinagtanungan ko, hindi siya kilala. Wala raw silang kilalang Mayang.’’
“Ah baka nga hindi kilala si Mayang dito.”
“Hindi ko po alam kung ano ang tinitinda niya. Hirap na hirap na ako Lolo Nado. Gusto ko na talagang makita si Mayang.’’
“Ang mabuti pa ay sumama ka sa akin at dun ka na muna sa bahay magpahinga. Tingin ko sa’yo ay pagod na pagod ka na.’’
“Oo nga po. Umalis po ako sa Maynila ng alas dos ng madaling araw. Gusto ko kasi, maagang makita si Mayang. Pero bigo ako.’’
“Halika sa bahay sa Socorro at doon matulog. Bukas ng umaga, tutulungan kitang hanapin si Mayang.’’
“Salamat po Lolo Nado.’’
“Tayo na!”
Tumawag ng traysikel si Lolo Nado.
“Halika sakay na, Jeff!’’
Sumakay si Jeff. Umalis na ang traysikel patungong Socorro.
(Itutuloy)
- Latest