EDITORYAL - Sunud-sunod na aksidente sa kalsada
DAMING nangyayaring aksidente sa kalsada ngayon. Pagpasok pa lang ng Disyembre, bumulaga na ng mga malalagim na aksidente. Pawang nawalan ng preno ang mga sangkot na sasakyan. Maraming namatay at nasugatan.
Noong Disyembre 5, walo katao ang namatay nang araruhin ng 10-wheeler truck ang maraming bahay at sasakyan sa gilid ng highway sa Brgy. Malasila, Makilala, Cotabato. Kabilang sa namatay ang truck driver. Ayon sa Makilala Municipal Police Station, nawalan ng preno ang truck na may kargang fertilizers habang nasa palusong na lugar at sinagasa ang mga bahay at sasakyan sa gilid ng highway.
Noong Disyembre 6, apat katao ang namatay nang araruhin ng truck ang mga sasakyan na kinabibilangan ng 16 na motorsiklo, limang kotse at isang bus habang palusong sa Katipunan fly-over sa Quezon City. Nawalan umano ng preno ang truck.
Noong Disyembre 7, isa ang namatay at anim ang nasa malubhang kalagayan nang araruhin ng isang Isuzu truck ang mga sasakyan sa Brgy. Sun Valley, Parañaque City. Nawalan din ng preno ang truck.
Noong Disyembre 9, isang SUV ang nawalan ng preno at sinagasa ang mga motorsiklo sa UN Avenue cor, Taft Avenue, Maynila. Walang namatay subalit maraming nasugatan. Ayon sa driver ng SUV, biglang namatay ang makina at nawalan siya ng control sa manibela.
Iba’t iba ang dahilan kung bakit nangyari ang malagim na aksidente—nakainom ng alak o gumamit ng illegal na droga ang drayber; dahil sa masamang panahon; walang traffic signs o mga babala sa kalsada; nakatulog ang drayber at ang karaniwang sinasabing dahilan na nawalan ng preno.
Ayon sa Department of Health (DOH), 12,000 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa aksidente sa kalsada. Mula 2011 hanggang 2024, tumaas ng 39 percent ang mga namamatay sa road accidents.
Ayon sa World Health Organizations (WHO), 1.3 milyong katao ang namamatay taun-taon sa buong mundo dahil sa aksidente sa kalsada. Iniulat na ang mga malalagim na road accidents ay dahil sa kawalan ng disiplina at kapabayaan ng drayber na nagpatuloy na nagmaneho kahit nalalaman nilang may depekto ang sasakyan. Mayroong nagmaneho na nasa impluwensiya ng alak at inaantok.
Isulong ng LTO ang pag-educate sa mga kukuha ng driver’s license para hindi sila maging mitsa ng mga aksidente sa kalsada. Marami ang nakakakuha ng lisensiya kahit walang muwang sa mga batas trapiko. Ang buhay ng mga pasahero at pedestrians ang kanilang inilalagay sa peligro.
- Latest