EDITORYAL - Sunud-sunod na sunog, ingat sa X’mas lights na depektibo

SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring sunog. Mula pa Nobyembre, marami nang naitalang sunog sa Metro Manila at karatig bayan at may mga namatay. Noong Nobyembre 1, isang 71-anyos na lolo at dalawang apo na edad 10 at pito ang namatay nang matupok ang kanilang bahay sa Teresa, Rizal. Ayon sa mga bumbero, faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog. Noong Nobyembre 21, 138 na bahay ang nasunog sa Pasig City at 500 pamilya ang apektado. Faulty electrical wiring din ang pinagmulan ng sunog.

Noong Nobyembre 24, nagkaroon nang malaking sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila, at 2,114 na pa­milya ang nawalan ng tirahan. Faulty electrical wiring din ang tinuturong dahilan ng sunog. Hanggang ngayon, may mga nakasilong pa sa evacuation centers. Dinalaw sila ni President Marcos Jr. noong Nobyembre at binigyan ng ayuda na P21-milyon para makapagsimulang muli.

Noong Nobyembre 27, nagkaroon ng sunog sa isang residential area sa Sta. Cruz, Maynila at 150 bahay ang natupok. Apektado ang 450 pamilya na nasabing sunog na ang pinagmulan umano ay sumabog na tangke ng liquified petroleum gas (LPG).

Noong Disyembre 7, nasunog ang isang residential building sa Blumentritt St., Sampaloc, Maynila na ikinamatay ng anim na katao. Faulty electrical wiring din ang dahilan ng sunog.

Sunud-sunod ang sunog at pawang faulty electrical wiring ang dahilan. Mabilis kumalat ang apoy dahil mga light materials ang mga bahay. Ang iba naman ay sobrang luma na ang electrical wirings at maaring nginatngat ng daga kaya nag-short circuit.

Ngayong palapit nang palapit ang Pasko, marami­ nang nagsisindi ng Christmas lights. Karaniwang ini­­lalagay ang Christmas lights sa Christmas tree at meron­ din sa mga bintana at pintuan. Ang iba, pati ang hag­danan ay may Christmas lights. Sa ganitong panahon naglulutangan ang mga depektibong Christmas lights na nabibili sa murang halaga. Maraming ibinebenta sa sidewalk. Huwag tangkilikin ang mga Christmas lights na ito sapagkat mabilis masunog.

Ang ganitong pangyayari ay nagpapaalala sa nangyari sa bahay ni dating House Speaker Jose de Venecia ilang taon na ang nakararaan. Nasunog ang bahay ng House Speaker dahil sa depektibong Christmas lights at namatay ang anak na babae.

Mag-ingat ang lahat. Bumili ng Christmas lights na may PS mark at dumaan sa quality control. Huwag makipagsapalaran sa mga depektibong pailaw ngayong Pasko at Bagong Taon.

Show comments