Political coalition, sosyohan lang ba sa korapsyon?

NAKAKATUWANG marinig noon na ang dating magka­labang partido ay nagsasanib-puwersa para sa ikapagtataguyod ng bayan. Nangyari yan noong 1986 nang magsanib-puwersa sina Cory Aquino (PDP-LABAN) at Salvador “Doy” Laurel­ (UNIDO) na kapwa gustong maging presidente. Mabigat na kalaban noon ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni dating President Ferdinand Marcos Sr. at Arturo Tolentino.

Noong 1988 ay ginamit na ng Cory Aquino administration ang partido Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) na pinamumunuan ni Edgardo Angara. Nagsimulang magkaroon noon ng alitan ang liderato ng partido PDP sa pagitan nina Peping Cojuangco at Nene Pimentel at binalagoong na rin ang UNIDO ni Doy Laurel. Dahil diumano sa korapsiyon?

Lalong nawala sa wisyo ang mga pulitiko mula sa iba’t ibang political party nang maging Presidente si Fidel V. Ramos noong 1992. Naglundagan na naman ang mga mapagsamantalang pulitiko sa minoryang partido Lakas-NUCD na binuo nina FVR at Raul Manglapus.

Nagsimula na rin ang party-list representatives noong 1995. Nagka-letse letse na lalo ang pulitika nang magkaroon ng pork barrels ang mga kongresista hanggang sa panahon ni President Noynoy Aquino. Nasabit nga at nakulong sina Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Janet Napoles dahil sa korapsiyon.

Hindi na malaking isyu ngayon sa mamamayan ang lumundag at magpalit ng political party ang manok nila. Ang importante ay makaparte sa pondo ng bayan at makabawi sa ginastos sa kampanya.. Nabura na rin sa listahan ang “fiscalizer” at napalitan ng “fixers” ang Kongreso at Senado.

Ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang mariing tumuligsa sa pork barrels o countrywide development funds (CDF) ng mga kongresista. Pinanigan naman ito ng Supreme Court noong 2013.

Sigurado naman na may sikreto at “bulungan projects” pa rin sa hanay ng mga pinagpalang mga congressman. Pustahan?

Show comments