MAAGANG dumating sa Pinamalayan si Jeff, eksaktong alas dose ng tanghali ay naroon na siya. Sa mismong public market siya bumaba. Sabi ni Mam Araceli, may puwesto si Mayang sa palengke. Hindi lamang nasabi ni Mam Araceli sa kanya kung ano ang puwesto nito sa palengke. Pero naisip ni Jeff na hindi na yun problema—maari naman siyang magtanong sa mga may tindahan. Tiyak na kilala rito si Mayang. Maliit lang naman siguro ang Pinamalayan Public Market.
Pero nagulat si Jeff nang makapasok sa loob ng palengke—napakalawak pala nito.
Hindi lamang ito tindahan ng isda, karne at gulay kundi marami pa. May tindahan ng damit, bag, at mayroon ding hardware. Bukod sa mga ito ay mayroon ding food court. Mayroon ding dental clinic, notary public at padalahan ng pera.
Hindi lang basta palengke ang lugar.
Naisip ni Jeff na para siyang naghahanap ng aspili sa tambak ng dayami. Ganunman, nagbakasakali siyang magtanong sa isang babae na may puwestong bigasan.
“Ate may kilala ka po ba ritong Mayang ang pangalan? May puwesto rin po siya rito sa palengke.’’
“Anong apelyido?’’
“Maria Viajebuen—ang nickname niya ay Mayang.”
Nag-isip ang babaing pinagtanungan.
“Wala akong kilalang Mayang dito. Ano bang tinda niya?’’
“Hindi ko po naitanong.’’
“Malawak kasi itong palengke—hanggang doon pa ito malapit sa wawa. Maraming nagtitinda rito. Ito ang pinakamalaki sa Mindoro.’’
“Ganun po ba? Marami pong salamat.”
“Magtanong ka roon sa may gulayan at baka dun siya.”
“Salamat po Ate.”
Tinungo ni Jeff ang puwesto ng gulayan.
“Ate may kilala ka ba ritong Mayang?’’
“Mayang?”
“Mayang Viajebuen po. May tindahan po siya rito sa palengke.’’
“Malaki kasi itong palengke. Pero dito sa gulayan, wala akong kilalang Mayang. Baka sa karnehan siya o isdaan.’’
“Salamat po Ate.’’
Nagtungo si Jeff sa karnehan. Wala roon. Wala rin sa isdaan.
Marami pa siyang pinagtanungan pero wala ring nakakakilala kay Mayang. Nasaan kaya siya?
Hanggang makaramdam siya ng gutom.
Ipinasya niyang kumain sa isang malaking karinderya. Saka niya ipagpapatuloy ang paghahanap kay Mayang. (Itutuloy)