NAGING mas makulay at masaya ang taunang parada sa Newtown, Pennsylvania, U.S.A. matapos subukan ng mga libu-libong dumalo nito na makasungkit ng Guinness World Record sa pamamagitan ng pinakamalaking sabayang pagsayaw ng “Macarena”.
Ang Newtown Business Association ang nanguna sa world record attempt na ito, kung saan inimbitahan ang mga kalahok at manonood ng McCaffrey’s Newtown Holiday Parade na magtipon sa gitna ng Sycamore Street upang sabay-sabay sumayaw sa kantang “Macarena”.
Ang McCaffrey’s Newtown Holiday Parade ay isang taunang selebrasyon sa bayan ng Newtown, Pennsylvania, na dinadaluhan ng mga residente at turista upang ipagdiwang ang simula ng holiday season.
Ayon sa kasalukuyang record, ang pinakamalaking sabayang pagsayaw ng “Macarena” ay naitala noong 2011 sa Eggbuckland Community College sa England kung saan nakapagtala ng 2,219 dancers. Bagama’t hindi pa tiyak kung nalampasan ang bilang na ito, tiwala ang mga tagapag-organisa ng Newtown na naging matagumpay ang kanilang world record attempt.
Upang makakalap ng ebidensiya sa totoong dami ng lumahok, gumamit ang mga organizers ng makabagong teknolohiya tulad ng mga drone cameras. Ang mga nakunang video at litrato ay ipinasa na sa Guinness World Records para sa pormal na pagsusuri.