Isang automotive company sa Japan ang nakatanggap ng Guinness World Record title na “Farthest Basketball Shot by a Humanoid Robot” matapos silang makagawa ng robot na magaling mag-shoot ng bola!
Ang humanoid robot na si CUE6 na likha ng Toyota Motor Corporation, ay muling nagpakitang-gilas sa larangan ng teknolohiya matapos makapagtala ng Guinness World Record para sa pinakamalayong basketball shot ng isang humanoid.
Sa layong 80 feet, nagawa ni CUE6 ang makasaysayang tira noong Setyembre 26 sa Nagakute, Aichi, Japan.
Bagamat hindi agad pumasok ang unang attempt nito sa pag-shoot ng bola, matagumpay na naisagawa ito sa pangalawang subok, salamat sa advanced na artificial intelligence na mag-adjust ng anggulo.
Mula sa simpleng eksperimento noong 2017, umunlad si CUE6 mula sa mga piyesang gawa sa LEGO patungo sa pagiging advanced machine na halos kasing-husay na ng professional basketball player.
Kayang mag-analyze ni CUE6 ng kanyang mga pagkakamali at baguhin ang diskarte para mapabuti ang bawat tira. Ayon sa Toyota, layunin ng proyekto na ipakita ang kakayahan ng Japan sa innovation habang binibigyang-diin ang potensiyal ng AI na makamit ang human-like precision at adaptability.