Mayang (65)

HINDI na isinama si Jeff sa police station. Ayon sa mabait na hepe ng pulis, tatawagan na lamang siya sakali at may mga gustong malaman sa ginawang pagkidnap sa kanya nina Henry at Puri. Sabi ng hepe dapat makapagpahi­nga si Jeff dahil sa mga pangyayari.

Nagmamadaling umuwi si Jeff sa kanyang condo.

Nang nasa condo na siya, hindi pa rin makapaniwala si Jeff sa mga nangyari sa kanya. Muntik na siyang mapahamak sa sindikato. Akalain ba niyang killer pala ng OFW at balikbayan si Henry. Kung hindi siya nakagawa ng paraan kanina, baka binaril na siya ni Henry at patay na siya. Sanay pumatay si Henry—walang awa.

Matapos makapagpahinga, tinawagan ni Jeff si Mam Araceli. Kanina pa pala siya hinihintay ni Mam Araceli.

“Pinauwi na po ako ni Colonel, Mam Araceli para maka­pagpahinga. Ipatatawag na lang daw niya ako sakali’t may itatanong ukol kay Henry at Puri.’’

“Salamat sa Diyos at nakaligtas ka, Jeffrey. Alam mo bang habang isinasagawa ang pag-rescue sa iyo ay dasal ako nang dasal. Naiisip ko kasi na baka natunugan o nalaman ng kidnaper ang pagtawag mo sa akin at barilin ka.’’

“Natakot nga rin ako Mam. Nakahalata nga po ang killer na si Henry habang ako ay nasa banyo. Nagkukunwari lang daw ako. Babarilin na nga po ako!’’

“Salamat at nakaligtas ka, Jeff.’’

“Salamat nang marami Mam. Kung hindi sa’yo baka namatay na ako.’’

“Mabuti at may presensiya ang isip mo at nata­wagan agad ako.”

“Ikaw po ang una kong naisip. Siyanga po pala, sinabi po ni Colonel na ikaw ang makakatanggap ng reward sa pagkakahuli sa dalawang kidnapers?’’

“Hindi pa kami nagkakausap, Jeff.’’

“Five million pesos po ang pabuya, Mam Araceli.’’

“Di ba dapat ikaw ang makatanggap nun?”

“Ikaw po Mam—ikaw po kasi ang nagreport at nagsabi kung nasaan ang mga criminal.’’

“Salamat kung ganun. Malaking tulong sa akin ang reward.’’

“Oo nga po Mam. Dasal ko naman na gumaling ka sa sakit mo.’’

“Salamat Jeff.”

“Pupuntahan kita bukas Mam. Marami pa akong sasabihin sa’yo.’’

“Sige Jeff, hihintayin kita.’’

(Itutuloy)

Show comments