EDITORYAL - Kapag karaniwang tao ang nagbanta

HINDI talaga napipilit dumalo si Vice President Sara Duterte sa anumang paanyaya kaugnay sa mga usapin na ibinabato sa kanya. Maraming beses na siyang inimbitahan sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa hindi maipaliwanag na paggastos ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) at ng confidential funds na ginastos sa loob lamang ng 11 araw pero dinedma niya.

Minsan siyang dumalo sa pagdinig pero hindi naman nanumpa. Bakit daw siya manunumpa? Mula noon, hindi na siya dumalo sa kabila nang paulit-ulit na pag-iimbita ng Kamara. Pawang mga opisyales ng OVP ang dumadalo. Pero nang ma-contempt ang isa niyang opisyal ay agad siyang nagtungo sa Batasan para ito damayan. Nang isugod sa ospital ang opisyal ay hindi niya ito iniwan.

Nang bantaan niyang ipapapatay sina President Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag pinapatay siya, pinadalhan siya ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI). Kailangan siyang magpakita sa NBI noong Nobyembre 29 para magpaliwanag sa mga pagbabanta na ginawa niya.

Unang sinabi ni Sara na hindi siya makakapunta sa NBI dahil dadalo raw siya sa pagdinig ng Kamara. Pero kinansela ng Kamara ang pagdinig sa araw na iyon para bigyang daan ang pag-appear ni Sara sa NBI. Pero sa kabila niyon, hindi pa rin dumalo si Sara. Matagal naghintay si NBI Director Jaime Santiago at iba pa pero no show si Sara. Sa halip ang abogado nito ang dumating sa NBI at sinabing hindi makakadalo ang Vice President. Ayon sa sulat na dala ng abogado ni Sara, late na raw nang malaman nito na ipinagpaliban ng Kamara ang pagdinig. Dahil sa pangyayari, ipinagpaliban ng NBI ang pagdinig at tinakda sa Disyembre 11.

Hindi magandang halimbawa ang ginagawa ng ­pangalawang pinakamatas na pinuno ng bansa. Binabalewala ang batas. Ang sarili ang sinusunod at hindi iginagalang ang sistema. Paano pa mapapasunod ang taumbayan kung ang isa sa pinakamataas na pinuno ay hindi sumusunod? Paano pa makakapagbigay ng mabuting halimbawa kung laging ang sariling kagustuhan ang pinananaig?

Kung karaniwang tao kaya ang magbanta at magmura sa pinakamataas na pinuno ng bansa? Ano ang mangyayari sa taong yun? Tiyak na sa kulungan agad ang bagsak ng magbabanta at magmumura. Hindi lalampas ang 24-oras at itatapon sa kulungan ang karaniwang mamamayan na magbibitaw nang masama sa pinuno ng bansa.

Sa Disyembre 11 ay aabangan kung sisipot si Sara sa NBI para magpaliwanag. Kung hindi siya sisipot gaya ng iba pa niyang pagbabalewala, dapat nang gumawa ng hakbang ang NBI. O mabangis lang ang NBI sa karaniwang tao?

Show comments