Mayang (64)
AKMANG bubunot ng baril si Henry subalit nakahanda na ang mga pulis na aaresto sa kanya at kay Puri. Pawang nakatutok ang mga baril sa kanya na sa maling kilos ay magbubuga ng tingga at tiyak ang kamatayan. Walang nagawa si Henry kundi ang tumigil at itinaas ang mga kamay. Nanginginig naman sa takot si Puri na itinaas din ang kamay. Si Jeff ay mabilis na dumistansiya sa dalawa at nagmasid sa mga nangyayari. Nakahinga siya nang maluwag.
Dinisarmahan ng mga pulis si Henry at pinosasan. Pinosasan din si Puri. Pagkatapos ay nilapitan ng hepe at ipinakita ang warrant of arrest. Saka binasahan ng Miranda Rights. Ang hepe ang sinasabi ni Mam Araceli na inaanak niya.
“Nahuli rin namin kayo. Hindi nagkamali ang babaing guro na nagturo sa amin na aatake kayo ngayon at bibiktimahin ang isang OFW,’’ sabi ng hepe at iniutos na isakay sa patrol car ang dalawa.
Nilapitan naman ng hepe si Jeff.
“Ligtas ka na Jeff. Salamat at buo ang loob mo at nakahingi ka ng tulong kay Ninang Araceli. Alam mo, matagal na kaming hindi nagkikita ni Ninang at hindi ko akalain na sa ganitong pagkakataon kami magkikita. Narito pala si Ninang sa Maynila at nagpapagamot.’’
“Oo nga Sir. Malaki ang utang na loob ko kay Mam Araceli.’’
“Paano mo naman nakilala si Ninang, Jeff?’’
“Guro siya ng nobya ko.’’
“A akala ko, taga-roon ka rin sa kanilang probinsiya?’’
“Hindi Sir.’’
“May P5 milyon reward na matatanggap si Ninang dahil sa pagkakaaresto kay Henry at Puri.’’
“Malaking tulong ang reward kay Mam Araceli dahil nagpapagamot siya.’’
“Oo nga Jeff. Pero malaki ang nagawa mo para maaresto ang wanted criminals. Salamat sa ginawa mong pagrereport.’’
“Salamat din po Sir.’’
“Magkita uli tayo, Jeff!’’
(Itutuloy)
- Latest