ISANG lalaki mula sa Buckinghamshire, England ang nakatanggap ng refund na £2 (mahigit P200) matapos makabili ng Mars chocolate bar na wala ang signature ripple design nito.
Ayon kay Harry Seager, nabili niya ang tsokolate habang papunta sa isang car show. Nang mapansin na masyadong makinis ang nabiling Mars bar, agad niyang ipinost ang picture nito sa Dull Men’s Club Facebook page, kung saan nag-viral ito at umani ng libu-libong reaksiyon.
Paliwanag ng Mars Wrigley UK, ang imperpeksiyon ay dahil sa pagkakamali sa factory, kung saan hindi nalagyan ng hangin ang tsokolate upang malikha ang ripple effect.
Bagama’t tinanggap ni Seager ang £2 voucher, sinabi niyang nais lang niyang maintindihan ang sanhi ng pagkakamali. “Ang gusto ko lang malaman ay kung paano ito nangyari,” aniya.