Palanca Awards, 72 taon nang kumikinang!

MARAMI na namang nagsusulputang mga timpalak sa pagsusulat sa Pilipinas pero patuloy pa ring nangunguna at ­nangingibabaw ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature na kinahuhumalingan pa ring lahukan ng sino mang Pilipinong naghahangad na makabingwit ng ganitong ­parangal sa iba’t ibang kadahilanan.

Umaabot na sa 2,580 natatanging Pilipinong manunulat ang naparangalan ng medalya at sertipiko mula sa Palanca Awards mula pa noong taong 1951. Nagsisilbi rin ito bilang sisidlan ng mga yaman nating pampanitikan kabilang ang 2,677 na nagwaging akda mula 1951 hanggang 2024.

Itinuturing ito na pinakamatagal at pinakaprestihiyosong kompetisyong pampanitikan sa Pilipinas. Ipinangalan ito sa negosyante at pilantropong si Carlos Palanca, Sr. at itinataguyod ng Carlos Palanca Foundation, Inc.. Laging malaki, malaganap at inaabangang balita ang Palanca Awards taun-taon.

Umabot na ngayon sa ika-72 taon ang Palanca Awards na ang bagong seremonya ng parangal ay idinaos sa Philippine International Convention Center noong Nobyembre 22, 2024. Kinilala ang mga nagtagumpay sa 22 kategorya ng paligsahan sa Ingles at Pilipino (maikling kuwento, tula, sanaysay, nobela, dula) at regional languages.

Bukod pa rito ang prestihiyosong Hall of Fame award na umaabot na sa kabuuang 30 manunulat ang nakakatanggap. Mababasa sa mga nagdaang print at online edition ng iba’t ibang media outlet ang pangalan ng mga nanalo. Makikita rin ito  sa Facebook page at website ng Palanca.

Nabatid na, sa taon ding ito, 1,823 ang mga natanggap na lahok, 60 akda at 54 manunulat ang nanalo. Ayon sa Palanca, sa mga nagwagi, 41 ang lalaki at 13 ang babae. Ang pinakabatang nagwagi ay 14 na taong gulang na babae samantalang ang pinakamatandang nagwagi naman ay 78 na taong gulang na lalaki.

Wala namang bukas na pamantayan kung paano manalo sa Palanca. Pero nakatutulong ang pagbabasa sa mga nananalong lahok at pagsasaliksik at pagsasanay sa tamang pagsusulat ng anumang klase ng akda. Bukod pa rito ang pagbabasa ng anumang libro, pahayagan, magazine, iba pang mga babasahin (print at online edition)  na karaniwan at matagal nang itinuturo sa pagsusulat.

Hindi sapat na marunong kang magsulat. Nangangailangan din ito ng disiplina, pag-aaral, tiyaga, pagsisikap, tamang grammar o pagbabaybay o pagtatahi ng mga salita halimbawa, pagkamalikhain, maimahinasyon, naiiba sa karaniwan  at iba pang elemento ng wastong pagsusulat.

Paminsan-minsan, nakakabalita ako ng mga intriga laban sa Palanca pero kusa na lang itong namamatay at nababaon sa limot na maaaring dahil walang basehan o hindi mapatunayan at merong mga natatalong nagtatanim ng hinanakit. Merong mga lahok na natatalo sa Palanca pero nananalo sa ibang timpalak.

May mga paulit-ulit na sumasali at natatalo pero nananalo sa bandang huli. Nariyan din iyong kahit nanalo na ng isa o dalawang awards ay patuloy pa ring sumasali sa Palanca sa mga sumusunod na taon.  Gayunman, sa nagdaang pitong dekada, kumikinang pa rin ang pangalan ng Palanca Awards.  Patuloy pa rin itong hinahangad, pinapangarap, kinikilala at  tinitingala.

Nakakapagpaisip din ang ilang datos sa Palanca Awards ngayong 2024.  Sa mga nagwagi, 31 ang baguhan at 23 ang mga dati nang nagwagi. Lima sa kanila ang may edad na 20 anyos pababa at tatlo ang may edad na mula 61 anyos pataas. Labintatlong winners ang may edad na 21-30,  15 ang 41-40 anyos at apat ang nasa 51-60. Hindi lang mabatid ang aktuwal na bilang ng mga indibidwal na sumali pero 1,823 ang mga natanggap na lahok (meron kasing mga indibidwal na sumasali sa dalawa o mahigit pang kategorya ng timpalak).

-oooooo-

Email:rmb2012x@gmail.com

Show comments