Wanted: Modelong lider
HINDI lamang bagyo ng kalikasan ang sunud-sunod na tumatama sa atin ngayon. Matindi rin ang tama sa atin ng bagyo ng pulitika, may dala-dalang hangin na tunay na mapangwasak. Ang pinakahuling bagyong-pulitikal ay ang bangayan ng dalawang pinakamataas na lider ng ating bansa—ang Presidente at Bise Presidente—parang super typhoon.
Malaki ang hinala ng Bise Presidente na ipapapatay siya ng Presidente, kung kaya’t sinabi niya sa media na kung siya’y mapapatay, may kinausap na siyang mamamatay-tao para patayin ang Presidente, ang First Lady at ang Senate President.
Parang isa lamang malaking biro, pero paulit-ulit na sinabi ng Bise Presidente na hindi ito biro. Dahil hindi biro, nahaharap siya ngayon sa posibleng kasong kriminal, impeachment proceedings, at pagkansela sa kanyang lisensya bilang abogado. Kung hindi man ito super typhoon, pwedeng ikategoryang intensity 7 na lindol. Ang bangayang ito’y headline ng mga diaryo at telebisyon sa buong mundo.
Sikat na naman ang Pilipinas! Samantala, sira ang lahat ng ginagawang panghihikayat ng kasalukuyang administrasyon na akitin ang mga dayuhang mamumuhunan. Sino ba namang matinong negosyante ang mamumuhunan sa isang bansang ang dalawang pinakamataas na lider ay posibleng magpatayan?
Napakahalaga ng role models sa isang lipunan. Ito’y mga lider na tinutularan o pinamamarisan ng mga tagasunod o karaniwang mamamayan. Ang mga lider ang naglalagay ng hangganan sa maaaring marating ng mga tagasunod. Kung astang-maton ang lider, hindi mo aasahang mag-aastang-santo ang mga tagasunod. Kung walang makitang role models mula sa gobyerno, hahanap ang mga tao ng pamamarisan mula sa pelikula na mas malamang ay malayo sa katotohanan ang ipinapakitang pagkatao.
Dahil sa masamang ehemplo ng matataas na lider mula sa gobyerno, negosyo at maging sa simbahan, panipis nang panipis ang tinatawag na moral fiber ng ating lipunan. Ang moral fiber ay ang panloob na lakas upang ipaglaban kung ano ang tama, totoo, at makatarungan sa harap man ng napakahirap na sitwasyon. Nakakatakot, baka ang panipis nang panipis na moral fiber ay biglang mapunit. Kapag ito’y napunit, ang integridad at pagiging tapat ay magiging ala-ala na lamang ng kahapon.
Flawed character, baluktot o may depektong pagkatao, ito ang nakalulungkot na komentaryo ng ilang social scientists tungkol sa atin. Ang mali ay ginagawa nating tama; ang tama ay ginagawa nating mali. Ang sumusunod sa trapiko bagamat walang nanghuhuli ay sinasabihang mahinang driver. Ang nagmumura at nagkukuwento ng mga green jokes kahit sa mga pormal na pagtitipon ay tinatawanan. Ang mga kuwentong walang kabuluhan basta’t nanggaling sa lider ay pinapalakpakan. Kahit biro ay tinototoo, basta’t nanggaling sa lider.
Para tayo umunlad, kailangang ang una nating buoin ay ang ating wasak na pagkatao, kaysa ating ekonomiya. Ang pinakamahalagang kayamanan ng isang bansa ay ang mga mamamayan nito, hindi ang ganda ng kalikasan o dami ng reserbang ginto.
Hangga’t may natitirang isang Pilipino na modelo ang pagkatao ay may pag-asa pa tayo. At hindi naman nag-iisa lang ‘yan. Sila ang pagmumulan ng laksa-laksa. Kapag ang laksa-laksang ito’y sumunod sa tagubilin sa Santiago 1:21, “Kaya’t talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal; mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso—ito ay may kakayahang magligtas sa inyo,” babangon ang Pilipinas mula sa masamang bangungot.
- Latest