MAHIGIT isang taon nang nakakahulagpos ang bansa sa COVID-19 pandemic mula nang manalasa noong 2020 na ikinamatay nang 66,000 katao. Mistulang bangungot ang pagkalat ng sakit na naghatid ng takot. Sa isang iglap, lumaganap at maraming nahawa. Napuno ng mga pasyente ang mga ospital na pati ang parking area ay ginawang ward. Walang tigil ang yaot ng mga ambulansiya.
At siyempre, wala ring pahinga ang healthcare workers (HCWs) —doctors, nurses, x-ray tech, medtech, nursing aide at iba pa dahil sa mga pasyenteng may COVID.
Ang masakit marami rin sa HCWs ang tinamaan ng sakit at namatay. Sila ang mga unang biktima ng COVID. Nakaharap sila sa mabagsik na virus. Nakababad sila sa ospital. Wala silang magagawa kundi tuparin ang tungkulin. Mayroon silang sinumpaang tungkulin na maglilingkod sa kapwa.
Ang nakadidismaya, marami sa HCWs ang hindi pa natatanggap ang kanilang COVID allowances at iba pang benepisyo hanggang ngayon. Maraming nurses sa mga pampublikong ospitals ang patuloy na umaasang matatanggap ang pangako sa kanilang COVID allowances. Maraming beses nang nag-rally ang iba’t ibang grupo ng HCWs particular ang nurses subalit ang kanilang kahilingan ay hindi naririnig. Maraming beses silang pinangakuan na ipagkakaloob na ang mga benepisyo subalit nanatiling nakapako ang pangako. Marami na sa kanila ang nagbitiw sa puwesto at nag-abroad. Hindi na nahintay ang COVID allowances.
Ang pinakamasaklap, may HCWs na binawasan ang kanilang allowance kaya hindi buo ang natanggap. At nabunyag na may mga mayor at barangay official na binabawasan ang allowances.
Ang pagkupit ng allowances ng HCWs ay ibinunyag mismo ng Department of Health (DOH) sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography noong Lunes. Ayon kay Health Undersecretary Archilles Bravo, nakatanggap sila ng mga report na hindi natanggap nang buo ng HCWs ang kanilang allowance.
Ayon kay Bravo, kung nakatanggap ng P50,000 ang HCW, ang binibigay lang ng mayor ay P30,000 o P40,000 at binubulsa ang P10,000. Ganito rin umano ang ginagawa ng barangay officials.
Nakatakas na ang bansa sa bangis ng pandemya subalit hindi pa ang mga kawawang HCWs. Nagsilbi sila nang maayos subalit patuloy na pinagkakait ang allowances at benefits. Mas lalong kinawawa na sapagkat “kinupitan” pa ng mga gahamang mayor at barangay officials. Nararapat maimbestigahan ito. Kumilos ang DOH sa isyung ito at pati na mga mambabatas.