Mayang (60)

TAKTIKA lamang ni Jeff ang pagsusuka-sukahan para makapunta sa banyo. Tatawagan niya ang gurong si Mam Araceli at ipaaalam dito ang mga nangyayari sa kanya.

Binuksan ni Jeff ang shower para hindi marinig ang pakikipag-usap niya kay Mam Araceli.

Mabilis niyang nakontak si Mam Araceli.

“Mam Araceli, nasaan na po ang mga pulis?’’

“Patungo na kami sa bahay na sinasabi mo Jeff. Malapit lang ang police station sa ­kinaroroonan mo. Ang inaanak kong pulis pala ang station commander kaya madali kong nahingian ng tulong. Sinabi ko ang kalagayan mo.’’

“Mga miyembro po ng sindikato ang bumiktima sa akin Mam. Pawang balikbayan at OFWs ang tinatarget nila. May pinatay na sila makaraang pagnakawan. Maaring ganito rin ang gawin sa akin Mam.’’

“Alam mo ang pangalan ng mga taong may hawak sa’yo, Jeff?”

“Opo. Henry at Puri.’’

“Okey. Ano ang itsura ng lalaki—ni Henry?”

“Kamukha po ng isang character actor—may bigote at mabalasik ang mukha.’’

“Ang babae—si Puri?’’

“Maganda po siya. Seksi at kayumanggi.”

“Okey, Jeff. Ibibigay ko ang mga info kay Colonel. Nasaan ka ngayon? Mabuti at natawagan mo ako?’’

“Nasa banyo po ako Mam. Nagkunwari po akong nagsusuka.’’

“A okey. Sige mag-ingat ka—baka makahalata.’’

“Mam, sabihin mo po sa mga pulis na bilisan ang pagtungo rito. Delikado po ako.’’

“Oo Jeff. Mag-ingat ka.’’

“May baril po si Henry. Mapanganib po siya!’’

“Sige Jeff.”

Samantala, naiinip na si Henry habang naghihintay sa labas ng banyo.

“Ba’t ang tagal ni Kumag?”

“Nagsusuka e!” sagot ni Puri.

“Baka umaarte lang yan. Papasukin ko yan at babarilin.”

“Teka at tatawagin ko!’’

“Kapag nainip pa ako, itutumba ko na yan!’’

Kinatok ni Puri ang pinto. (Itutuloy)

Show comments