‘Kalapati’ (Part 5)

“KAILANGANG makapagtapos kayo ng kolehiyo,’’ sabi ni Kuya Bong at masusing tiningnan ang card na iniabot ko na may grades para sa first semester.

“Matataas ang grades mo Ruel. Mabuti naman. Kapag nakatapos ka ng Accounting e tiyak nang maganda ang trabaho mo. Hindi kayo matutulad sa akin na hanggang high school lang ang naabot. Pero hindi ako nagsisisi dahil napag-aaral ko kayo,’’ sabi ni Kuya Bong at ang card naman ni Tomas ang tiningnan.

“Ang tataas din ng grades mo Tomas ah. Mabuti naman at nakatitiyak na akong magiging civil engineer ka. Matutuwa sina Tatay at Nanay saan man sila naroon ngayon.’’

“Hindi ka mabibigo sa amin, Kuya. Makakatapos kami ni Tomas sa pag-aaral,’’ sabi ko.

“Oo nga Kuya. Magtatapos kami ni Ruel. At kapag nakatapos kami, magpapahinga ka na sa pagtatrabaho at kami naman ang maglilingkod sa iyo.’’

“A kahit na tapos na kayo sa pag-aaral, hindi pa rin ako titigil. Baka magkasakit ako kapag walang trabaho.’’

At saka ipinagbilin muli ang kanyang mga kalapati.

“Basta huwag lang ninyong pababayaan ang mga kalapati ko. Yan lang ang libangan ko. Kahit anong mangyari, alagaang mabuti.’’

“Oo Kuya Bong,’’ sabi ko kahit na matindi ang pagkadiri ko sa mga kalapati. Pakiramdam ko, magkakagalis ako kapag nagpapakain ng mga kalapati ni Kuya Bong. (Itutuloy)

Show comments