“SAAN ka ba nakatira?’’ tanong ni Puri kay Jeff. Nakamasid si Henry na parang naiinip na sa takbo ng pangyayari.
“Sa isang condo sa may San Lazaro.”
“Wow! Naka-condo ka pala!’’
Hindi nagsalita si Jeff. Nararamdaman niyang nakatingin sa kanya si Henry. Parang pinag-aaralan siya nito. Naisip ni Jeff na dapat paghusayan niya ang pagkukunwari. Hindi siya dapat mahalata na may kinontak na siyang mga pulis sa tulong ni Mam Araceli. Kailangang maging sunud-sunuran siya.
“Nasa anong floor ka ng condo, Jeff?’”
“Twentieth.’’
“Ang taas!’’
Biglang sumingit si Henry.
“Gaga! Mataas ba yung 20th!’’
Umirap si Puri.
“Tayo na Jeff. Punta na tayo sa condo mo.’’
“Teka, hindi mo pa sinasabi sa akin kung nasaan si Mayang. Di ba yun ang usapan natin?’’
“Sasabihin ko sa’yo kapag nasa condo na tayo, promise.’’
“Baka puwedeng sabihin mo na ngayon din.’’
Sumabat si Henry.
“Ba’t ba ang tigas ng bungo mo? Sabi nang pagdating sa condo sasabihin!’’
“Oo nga Jeff! Tayo na.’’
“Sige,’’ sabi ni Jeff pero mayroon siyang naiisip na plano.
Bigla siya nagsuka-sukahan.
“Duwaaarkkk!’’
“Ano yan?” tanong ni Puri.
“Nasusuka ako! Duwaaaarkkk!’’ sabi ni Jeff at nagtatakbo sa banyo.
Nagkatinginan sina Puri at Henry.
Habang sa loob ng banyo ay “nagsusuka” si Jeff.
(Itutuloy)