NAKAAMBA ang masalimuot na sitwasyon ng buong bansa dahil sa usapin ng seguridad ni Pres. Bongbong Marcos at asawa nitong si Atty. Liza Araneta-Marcos dahil sa pagbabanta ni VP Sara Duterte na kung sakaling may pumatay sa kanya ay may pinagbilinan ito para patayin din ang first couple at si House Speaker Martin Romualdez. Naku sinong pinagbilinan?
Hindi maliwanag kung totoong may pagbabanta sa buhay ni Sara dahil wala namang nababalita at maging si NBI Director Jaime Santiago ay nagsabi rin na wala silang natatanggap na intelligence report tungkol dito. Baka naman ang presidential ambition ni Sara ang papatayin. Di kaya?
Umaalingawngaw din na nauulinigan na ng kampo ni Sara na nakalatag na ang impeachment proceedings sa Kongreso at inililigaw nito ang isyu ng plunder sa usapin ng magulong pulitika. Mas meaningful nga naman.
Maari rin naman na ang isang dahilan ng paghuhuramentada ni Sara ay ang posibleng pagkilos ng Interpol sa utos ng International Criminal Court (ICC) para arestuhin ang mga sangkot sa extra-judicial killings. Naku, December na nga pala next week!
Pumasok tuloy sa isip ng mga malisyoso na kaya raw nakabuntot kay Sara si Bato dela Rosa ay dahil kasali ito sa listahan ng mga aarestuhin. Hmmm, mukhang may kulay nga!
Nagpahayag si PBBM na hindi niya ito palalampasin dahil pangkalahatang seguridad ang nakataya rito bukod pa ang buhay nilang mag-asawa. Aba pumabor pa kay PBBM ang pangyayari. May dahilan na itong papasukin ang Interpol ng walang pangingimi. Hindi naman siguro manlalaban sina Sara at Bato sa Interpol.
Kung ang pagbabantang ito ni Sara ay totoo at labas sa isyu ng ICC, makakasama ito sa galaw ng lokal na negosyo at makasisira sa diskarte ng foreign investors na lalong magpapabagsak sa ekonomiya ng bansa.
Maging ang banking industry sa bansa ay posibleng kumarambola kung magkaroon ng agam-agam ang bank depositors at lumikha ito ng panic withdrawals. Naku!
Abang-abang tayo sa maiinit na kabanata.