“AKALA ko sa tirahan ka ni Jeff pupunta, Henry?’’ tanong ni Puri.
“E hindi mo nga magising si Kumag kaya ako ang gigising!’’ sagot ni Henry na naiinis na.
“Baka may makapansin sa’yo pagpunta mo rito? Di ba may nakapatong nang reward sa ulo mo? Mainit ka na sa mata ng mga tao.’’
“Huwag kang mag-alala at hindi ako makikilala. May ginaya akong mukha! Gusto kong makuwartahan na natin si Kumag!”
“Sige, ikaw ang bahala. Mga anong oras ka darating dito?”
“Mga alas dose ng tanghali nandiyan na ako. Ano ngang address mo?”
“Lardizabal St. Malapit sa luma at abandonadong gusali. Madaling makita ito. Di ba nanggaling ka na rito?”
“Hindi ko matandaan ang lugar. At saka ang tagal na noon.’’
“Aabangan kita sa labas.”
“Sige. Kung magagawa mo nang magising ang kumag, gawin mo para madali na nating maisasagawa ang pagtakot sa kanya.’’
“Paano nga pala ang plano mo?”
“Pipilitin natin siya na isama tayo sa tirahan niya. Pagdating sa tirahan at naibigay na niya ang kailangan natin, titigukin ko na siya. Kailangang malinis ang pagkakatrabaho para walang sabit.’’
“Saan mo ilalagay ang bangkay niya?’’
“Ililibing ko sa mismong bakuran niya.”
“Paano kung sa condo pala siya nakatira-- nasa mataas na floor?’’
“Mas madali—ihuhulog ko siya. Aakalain na nag-suicide si Kumag.”
“Sige Henry. Bilisan mo ang pagpunta rito!’’
“Abangan mo ako sa labas!’’
“Oo. Lalabas ako.’’
“In 20 minutes nariyan na ako.’’
“Okey Henry!’’
Natapos ang pag-uusap nila.
Ang lahat nang pinag-usapan nina Puri at Henry ay naririnig ni Jeff.
Kailangang matawagan na niya si Mam Araceli.
Titiyempo siya sa paglabas ni Puri mamaya.
Makalipas ang limang minute, lumabas si Puri para abangan si Henry.
Sinamantala iyon ni Jeff at tinawagan si Mam Araceli.
“Mam, nasa Lardizabal Street ako. Malapit po sa lumang apartment. Nasa panganib po ang buhay ko—papatayin ako. Tumawag ka na po ng pulis.”
“Okey Jeff. Tatawag na ako sa police station.’’ (Itutuloy)