“ANONG address mo, Jeff? Nakikinig ako,’’ sabi ni Mam Araceli sa kabilang linya. “May hawak na akong ballpen at papel. Anong address mo?’’
Pero hindi makapagsalita si Jeff sapagkat narinig niya ang pagtulak ni Puri sa pinto.
“Mam Araceli, tatawag uli ako sa’yo, delikado po. Maririnig ako ng bantay!’’
“Okey Jeff.’’
Eksaktong natapos ang pag-uusap nila ni Mam Araceli ay tinulak ni Puri ang pinto at pumasok ito.
Nagpatuloy si Jeff sa pagtutulug-tulugan. Pinaghusayan niya para hindi makahalata si Puri.
Naramdaman niya ang pag-upo ni Puri sa kanyang tabi. Tinapik siya sa braso.
“Jeff! Jeff!’’
Pero nanatili siyang tulog kunwari.
Ilang ulit pa siyang tinapik.
Hindi kumilos si Jeff.
Niyakap siya ni Puri.
“Gumising ka na Jeff! Gising!’’
Nang mainis marahil sa pagtapik kay Jeff ay hinagilap muli ni Puri ang cell phone at tinawagan si Henry.
“Henry, ayaw magising si Jeff. Ilang beses ko nang tinapik at niyugyog.”
“Putsa naman! Kanina pa tulog ang kumag na yan. Baka patay na yan!’’
“Sobra ka naman! Paano mamamatay e wala naman akong ginagawa.”
“Malay mo inatake na yan dahil sa dami nang nainom.’’
“Hindi humihinga pa e.”
“Baka inaartehan ka lang niyan—nagtutulug-tulugan!’’
“Hindi! Talagang patay sa kalasingan.”
“E ba’t ayaw magising?”
“Ewan ko!”
“Sige pupunta ako riyan. Kapag hindi pa yan nagising, tutuluyan ko na yan!”
(Itutuloy)