“BEST dramatic actor ka.” Ito ang sinabi ni VP Sara nang tanungin siya ng kanyang ama, si dating Presidente Digong Duterte, kung ano ang masasabi nito sa kanyang performance sa pagdinig na ginagawa ng Quad Committee ng Kamara tungkol sa drug war ng nakaraang administrasyon. Sinabi pa ni Sara na sa grading na ang pinakamataas ay 10, binibigyan niya ang ama ng gradong 12 sa pag-arte nito. Pang-FAMAS!
Nagtawanan ang media sa sinabi ni Sara. Nakakatawa ba ito? O nakakaiyak? Sa totoo lang, ang serbisyo publiko sa Pilipinas ay parang naging pagalingan sa pag-arte—mas magaling umarte, mas tumatatak sa kamalayang-Pilipino. Dahil ang paglilingkod ay isang “palabas,” kailangan ang lahat ng gagawin ay ibinabandera, ipine-press release, isino-social media para nalalaman ng madla. Bawat pagtulong na gagawin ay photo-op para makakuha ng pogi points.
Malayung-malayo ito sa konsepto ni Hesus tungkol sa paglilingkod at paggawa ng mabuti. Wika Niya sa Mateo 6:1-3, “Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila’y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan.”
May mga nagkukumento na ‘yong masisipag magtanong sa mga pagdinig sa Senado at Kamara ay ginagawa ito hindi dahil “in aid of legislation,” kundi dahil “in aid of reelection.” Pero syempre, meron din namang talagang wagas ang motibo.
Ako, halata ko kung sino lang ang umaarte. Kaya lang, marami tayong kababayan na hindi alam piliin kung alin ang arte lang at kung alin ang totohanan. Dahil dito, nakapaghahalal tayo ng mga kandidato na magaling lang umarte, pero wala namang alam sa pamamahala.
Ito rin ang dahilan kung bakit laging lamang sa eleksiyon ang mga artista, lalo na ‘yong mga artistang laging ang papel ay tagapagtanggol ng mahihirap. Inaakala ng marami na sa tunay na buhay ay ganoon din sila, makahirap.
Sa darating na May 2025 elections, napakaraming artista ang naghain ng kandidatura sa iba’t ibang posisyon. Kapag nanalo ang mga ito, ang serbisyo publiko ay magiging isang blockbuster na pelikula. Sana, ‘yung mga artistang mananalo ay huwag umarte lang, kundi totohanang magtrabaho.
Naalala ko noong kasikatan ni Comedy King Dolphy, maraming humihikayat sa kanya na tumakbo dahil siguradong siya’y mananalo. Pero ayaw niya dahil ano raw ang kanyang gagawin sakaling siya’y manalo? Naisip kaya ito ng mga artistang tumatakbo? Hindi ko naman nilalahat, may mga artista rin naman na kuwalipikado.
Posibleng may mga nag-aartista na ang talagang plano’y pumasok sa pulitika kapag sikat na. Kasi, napakalaking puhunan nito sa pulitika. May mga artistang nagiging pulitiko, pero mas marami ang pulitikong nagiging artista. Idinadaan sa pag-arte ang paglilingkod. Ang paggawa ng kabutihan ay naging isang malaking palabas. Gumagawa lang ng mabuti kapag may nakakakita.
Sana’y matapos na ang ganitong palabas, dahil kung hindi, ang buhay nating lahat ay parang pelikulang lalangawin!