Isa pang naipagpasalamat ni Jeff ay hindi pinakialaman ni Puri ang kanyang cell phone na nakatago sa bulsa. Talagang ang puntirya ay ang kanyang ATM card. Ang buong akala, nasa wallet ang ATM.
Pinuproblema ni Jeff kung paano makakapag-text sa PNP hotline. Kailangang tumiyempo siya na hindi makikita ni Puri. Kapag nakita siya, maaaring dito pa lamang ay tigukin na siya ng dalawang “halimaw”.
Kailangang pagbutihin niya ang pagkukunwari na lasing para hindi siya mapahamak. Pakiramdam niya sa kausap na lalaki ni Puri ay sanay pumatay. Parang balewala kung pumatay. Narinig niya kanina, tatakpan lang siya nito ng unan sa mukha at hindi na siya magigising.
Palagay ni Jeff matagal nang ginagawa ng dalawa ang modus na ang binibiktima ay mga OFW at balikbayan.
Binalikan din ni Jeff ang mga nauna nilang pag-uusap ni Puri noon na pinapayuhan pa siya nito makaraang iwan niya si Mayang at magtrabaho nga siya sa New Zealand. Bakit napakabait sa kanya ni Puri noon? At tila maraming alam kay Mayang. O baka naman pinag-aralan ni Puri ang lahat. Kinabisado ang mga sasabihin para maging kapani-paniwala.
Ngayon ay kumpirmadong mga miyembro ng sindikato sina Puri at Henry.
Kailangang maireport sa PNP ang masamang gawain ng mga ito.
Biglang lumapit si Puri kay Jeff. Ipinagpatuloy ni Jeff ang pagkukunwaring tulog dahil sa kalasingan.
Nakikita ni Jeff ang ginagawa ni Puri. May tinatawagan ito.
Pero nagmura si Puri nang hindi maka-conncet.
“Shit! Wala akong load!’’ sabi nito.
Nag-isip si Puri ng gagawin.
Maya-maya, dinampot ang wallet na nasa ibabaw ng mesa. Hawak nito ang cell phone. Tinungo ang pintuan. Lumabas.
Nabuhayan ng loob si Jeff. Magpapa-load sa tindahan si Puri!
Sasamantalahin niya ang pagkakataon. Tatawagan niya si Mam Araceli, ang guro ni Mayang at ito ang pakokontakin niya sa mga pulis.