‘Bangka’ (Part 6)

Kinabukasan, maagang akong nagtungo sa ilog para mamangka. Maraming pasahero kapag umaga sapagkat may mga estudyante na papasok. Marami rin ang magtutungo sa bayan dahil tiyangge. Tuwing Miyerkules ang tiyangge.
Pagdating ko sa ilog ay nakapila na ang mga sasakay. Sampu ang nakapila. Dalawang balik ako sa bangka dahil lima lang ang kayang isakay.

Mabilis kong naihatid ang unang batch. Agad akong bumalik at kinaon ang lima pang natitira.

Pagkahatid ko sa lima, nagsunud-sunod pa ang mga sasakay. Sampu uli ang nakapila nang bumalik ako.

Walang tigil ang pabalik-balik ko. Nangalay ang braso ko sa kasasagwan. Butil-butil ang pawis sa noo ko.

Tumigil lamang ako sa pagbabangka ng mag-alas nuwebe. Wala nanhg pasahero.

Ang sunod na pagdami ay dakong alas dose dahil lalabas ang estudyante at darating din ang mga namili sa bayan.

Marami akong kinita sa loob ng kalahating araw. Umuwi ako para kumain ng tanghalian.

Nang naglalakad na ako pauwi, nakasalubong ko ang matandang babae na isinakay ko sa bangka kahapon.

(Itutuloy)

Show comments