NAGKASAKIT si Tatay kaya ako muna ang naging bangkero. Kaga-graduate ko lamang ng high school noon. Natuto akong maging bangkero dahil madalas akong sumama kay Tatay. Kung maari ay ayaw sana ni Tatay na maging bangkero ako dahil mahirap na trabaho. Pag-aaral na lang daw ang atupagin ko.
Pero dahil nagkasakit nga siya at ako ang panganay, walang ibang gagawa niyon kundi ako.
Laban man sa kalooban ni Tatay, pinayuhan niya ako na mag-ingat sa pagbabangka at lagi nang maging mabait sa mga taong sumasakay sa bangka. Ang walang pamasahe ay huwag pilitin. Maging mapagbigay at malamig ang ulo. Huwag makikipag-away. Higit sa lahat ay maging maingat at laging isaisip ang kaligtasan ng pasahero.
Bilin ni Tatay na pakiramdaman ang galaw ng ilog. May pagkakataong lumalaki ito bigla. Maging alerto para hindi mapahamak.
Isang gabi, mga dakong alas sais, iaahon ko na sana ang bangka sa pampang dahil madilim na. Delikado nang magbangka dahil madilim. Mahirap magsagwan.
Pero isang matandang babae ang nakita ko sa kabilang pampang. Kinawayan ako. Sasakay siya. Wala akong nagawa kundi puntahan sa kabilang ibayo ang matanda. Kawawa naman.
“Pasensiya ka na Utoy. Ginabi ako,’’ sabi ng matanda na nakasuot ng itim na baro at saya.
“Wala pong anuman Lola.’’(Itutuloy)