EDITORYAL - Buksan ang pinto para sa ICC

PAYAG na si dating President Rodrigo Duterte na maimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa extra-judicial killings ng kanyang war on drugs campaign. Sinabi niya ito nang dumalo sa pagdinig ng House quad committee noong Nobyembre 13. Sabi ni Duterte, pumunta na rito ang ICC at bilisan ang pag-iimbestiga sa kanya.

“I am asking the ICC to hurry up and if possible, if they can come here and start the investigation tomorrow. Baka mamatay na ako, hindi nila ako ­maimbestigahan. That’s why I am asking the ICC through you na magpunta na sila rito,” sabi ni Duterte. Ito ang kanyang unang pagdalo sa komite.

Hinamon pa ni Duterte ang quad comm na bigyan siya ng pera at siya na ang pupunta sa ICC. Gagawin daw niya iyon para sa bayan at para sa mga anak. Hindi raw nila alam ang pagsasakripisyo ng mga magulang, hindi raw nila alam ang mga misteryo, hindi raw nila alam ang pinagdadaanang hirap ng mga magulang. Pinag-aral daw ang anak mula kinder, elementarya hanggang high school at pagdating ng college, nabaliw lang sa droga kaya talaga raw papatayin niya ang drug lords.

Marami pang sinabi si Duterte sa pagdinig at kahit pinagbawalan nang huwag magsasalita ng mga masasamang salita, hindi pa rin nito napigilan kaya nagkalat ang “putang-ina”, “gago” at “sira-ulo” sa pagdinig na inabot ng hanggang alas dose ng hatinggabi.

Ngayong sa bibig na niya nanggaling na papasukin na ang ICC para maimbestigahan siya, dapat matupad ang kanyang hiling. Kailangang magmiyembro muli ang Pilipinas para mangyari ang gusto ni Duterte. Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019 sa utos mismo ni Duterte. Ito ay sa kabila na isa ang Pilipinas sa mga lumagda sa pagtatatag nito. Ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC ay nangyari habang may kampanya sa illegal drugs.

Sa war on drugs, naitala ang 6,252 na pinatay pero sa report ng human rights groups, aabot umano sa 20,000 o mahigit pa ang mga namatay na ayon sa mga pulis ay “nanlaban”. Ayon sa human rights group, karamihan sa mga napatay ay inosente. Kabilang sa mga napatay at napagkamalan lang ay ang mga kabataang sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.

Buksan na ang pintuan para sa ICC para maumpisahan ang imbestigasyon sa EJKs at nang maisilbi ang hustisya. Wala nang maari pang maging hadlang dahil ito na mismo ang hinihiling nang may-akda ng war on drugs.

Show comments